Lalaki, tumakbo sa marathon habang may bitbit na pizza!
ISANG kakaibang eksena ang nasaksihan sa Mill Race Marathon noong Setyembre 28 nang isang runner ang matagumpay na tinapos ang 42-kilometrong karera habang may bitbit na 16-inch na pizza!
Si Mike Cole, isang pizza shop owner at beteranong marathoner sa Colombus, Indiana, ay hindi lang basta nakatapos ng marathon, napasama pa siya sa nangungunang 10 runners matapos makapagtala ng tatlong oras at 14 na minuto. Bukod sa medalya, umuwing may bagong Guinness World Record si Mike sa titulong “Fastest Marathon Carrying a Pizza (Male)”.
Aminado si Mike na mas mahirap ang laban habang may bitbit na pizza. Ayon sa kanya, halos 90 percent itong mas mabigat kaysa sa isang regular na pagtakbo. Mas naging challenging pa ito nang magsimulang umulan, kaya kinailangan niyang lagyan ng proteksiyon ang kanyang pizza box.
Pero hindi nagpatalo si Mike. Suportado ng kanyang mga mahal sa buhay, tinapos niya ang marathon sa loob ng itinakdang apat na oras ng Guinness. At ang mas nakabibilib, paglampas niya sa finish line, ang kanyang pizza mula sa Greek’s Pizzeria ay buo pa rin at puwedeng kainin!
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakitang-gilas si Mike sa takbuhan. Sa loob ng isang taon, nakakumpleto siya ng 12 marathons.
- Latest