Mayang (170)
“ILANG taon ang lumipas at nakarekober na raw si Mam Araceli sa nangyari sa kanila ni Manuel. Nagpatuloy siya sa pagtuturo at lalong naging malapit sa mga estudyante. Lalong napamahal sa kanya ang mga estudyante na nagpakita ng malasakit noong nagdaranas siya ng kapighatian dahil sa nangyari sa kanila ni Manuel.”
“Sabi ni Mam, mabuti nga raw at hindi niya naituloy ang balak na pagbibitiw. Mabuti nga raw at pinalakas siya ng mga estudyante. Mula noon lalo pag nagsilbing ikalawang magulang si Mam ng mga estudyante. Siya ang naging puntahan ng mga estudyante na may tinataglay na problema. Pinapayuhan niya ang mga estudyanteng may pinagdadaanan.”
“Napatunayan ni Mam na maraming estudyante ang may problema hindi lamang sa kanilang pag-aaral kundi may problema rin sa pamilya. At sabi ni Mam, naging matagumpay naman siya na nalutas ang problema ng mga estudyante. At sa mga ginawa niyang tulong sa mga estudyante, lubos ang kasiyahan niya at tuluyan na ngang nakalimutan ang masakit na paghihiwalay nila ni Manuel. Ang pagtulong pala sa mga may problemang estudyante ang magpapakalma sa umiiyak niyang puso.”
“Hanggang sa isang araw, may natanggap na balita si Mam Araceli. Ibinalita iyon sa kanya ng isang kasamahang guro. Ibinalita na patay na raw si Manuel. Inatake sa puso. Nagbitiw na pala si Manuel sa pagtuturo at sa Maynila na nanirahan. Nagtrabaho raw sa isang insurance company kasama ang asawa nito. May isang anak daw sina Manuel at asawa nito.”
“Sabi ni Mam, nalungkot siya sa balita. Pero makaraan iyon, lubos na talaga siyang nakalaya sa masakit na nangyari sa kanila ng dating kasintahan. Nadama raw niya na talagang nakahulagpos na siya sa mahapding nangyari sa kanyang buhay pag-ibig.”
“Sabi pa ni Mam, mayroon daw mga lalaking nanligaw sa kanya pero hindi na tumibok ang puso niya. Ibubuhos na lamang niya ang oras sa mga estudyante.”
(Itutuloy)
- Latest