Puwede bang isama sa demanda ang mga opisyal ng kompanya?
Dear Attorney,
Balak po namin magsampa ng labor case. Bukod sa mismong korporasyon na siyang employer po namin, puwede rin bang isama sa demanda ang mga opisyal po ng kompanya?—Klyde
Dear Klyde,
Ang mga korporasyon ay may tinatawag na ‘juridical personality.’ Ibig sabihin, kahit hindi tao ang mga korporasyon ay itinuturing sila ng batas na may sariling personalidad na hiwalay at iba mula sa kanilang mga may-ari at opisyal. Ito ang dahilan kung bakit may kakayahan ang mga korporasyon na magkaroon ng mga ari-arian sa ilalim ng pangalan nila. Ito rin ang dahilan kung kaya maari silang magsampa o masampahan ng kaso.
Ano ang kahalagahan ng ‘juridical personality’ na ito? Dahil may ‘juridical personality’ ang mga korporasyon, hindi maaring habulin ang mga may-ari o opisyales nito para sa mga pananagutan ng korporasyon. Gayun din, hindi maaring ihabla ang korporasyon para sa pananagutan naman ng mga may-ari at mga opisyales nito.
Hindi naman ibig sabihin nito na sa lahat ng pagkakataon ay hindi mahahabol ang mga opisyales ng isang korporasyon para sa mga pananagutan ng huli.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Lozada v. Mendoza (G.R. No. 196134, October 12, 2016), puwedeng mapanagot ang mga director at opisyales ng isang korporasyon kung makikita sa isinampang reklamo na pumayag ang mga director at opisyal ng korporasyon sa mga iligal na gawain nito, o guilty mismo ang director o opisyal sa matinding kapabayaan. Kailangan din na may pruwebang kumilos ng may panlilinlang o pandaraya ang mga director o opisyal ng korporasyon.
Hindi basta-basta binabalewala sa ilalim ng ating batas ang pagkakaroon ng mga korporasyon ng hiwalay na personalidad kaya kailangang may patunay ukol sa mga nabanggit upang mapanagot pati ang mga opisyales at ang mga director nito.
- Latest