Hindi pagbabayad ng utang, paano patutunayan?
Dear Attorney,
May pinautang po ako pero kahit ilang beses ko ng sinisingil ay hindi pa rin siya nakakapagbayad. Nang padalhan ko siya ng demand letter ay tinext niya ako at sinabing magsasayang lang daw ako ng pera dahil wala naman akong pruweba na hindi pa siya bayad sa utang niya. Tama po ba siya? Napaisip din ako dahil paano ko nga naman papatunayan na hindi pa siya nagbabayad? —Gary
Dear Gary,
Ang kailangan mong patunayan ay ang pagkakaroon niya ng utang sa iyo. Kung ikaw ay makakapaglabas ng sapat na pruweba ukol dito, nasa kabilang panig na para sagutin ito at patunayan ang kung anumang depensa na ilalatag niya katulad ng kesyo hindi siya umutang o kaya’y nabayaran na niya ito.
Mababasa sa BPI v. Spouses Royeca (G.R. NO. 176664, July 21, 2008) na kapag sapat nang napatunayan ang pagkakaroon ng utang ayon sa ebidensya, ang inaakusahang may utang na ang kailangang magpatunay na siya ay nakapagbayad na, kung ito ang kanyang depensa.
Ayon naman sa Jimenez v. NLRC (G.R. No. 116960, April 2, 1996, 256 SCRA 84), “one who pleads payment has the burden of proving it.” Ibig sabihin, para sa mga kasong kung saan may isyu ukol sa bayaran, ang sinumang magdahilan na siya ay nakapagbayad na ay ang siyang kailangang magpatunay nito.
Samakatuwid, hindi ikaw ang kailangang magpatunay na hindi pa bayad ang may utang sa iyo.
Kung itutuloy mo ang pagdedemanda at may sapat ka ng na i-presenta sa korte para patunayang may utang nga siya sa iyo, ang nangutang na sa iyo ang kailangang maglabas ng pruweba na ikaw ay binayaran na niya.
- Latest