Move It rider, minadyik ang laptop!
FLASH report: Ganito pala ang sistema ng raket ni Val Leonardo sa perya. Kapag may bagong upo na hepe ng NCRPO, PRO3, PRO4-A at iba pang regional offices ng PNP, kaagad sisiksik at magpapakuha ng litrato si Val Leonardo sa kanila. Kukunin din ni Val Leonardo ang cell phone number nila.
Siyempre, itong litrato ay gagamitin ni Val Leonardo sa mga kausap niyang peryante. Kapag hindi makuha ang payola na gusto niya sa mga peryante, puputaktihin ni Val Leonardo ng text messages ang mga regional directors ng PNP hanggang maipasara ang perya.
Pero kuwidaw ka mga kosa? Pagkalipas ng tatlong araw, magbubukas ang perya at presto….nakakulimbat na si Val Leonardo ng P50,000. Ang latest na litrato na may kuha si Val Leonardo ay ang kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo. Lagot ang mga peryante sa Central Luzon.
• • • • • •
Nag-viral sa social media ang ginawang pagnanakaw ng isang lalaki, naka-uniporme ng Move It, sa nakaparadang sasakyan sa San Mateo, Rizal. Dapat imbestigahan ng management ng Move It ang kasong ito dahil nakakasira ito sa kanilang imahe.
Kung sabagay, makikita naman sa mga comment ng mga galit na netizens na gusto nila marinig ang paliwanag ng management ng Move It kung kanila nga ba o hindi ang nasabing rider. Araguyyyyy!
Puwede ding makipagtulungan ang Move It sa PNP nang sa gayon diretso sa kulungan ang magnanakaw na rider. Anong sey n’yo mga kosa? Dahil sa isyu, naungkat ang maraming insidente kung saan ang mga rider ng nasabing kompanya ay tila kulang sa tamang training. Eh di wow!
Lumabas din sa Senate hearing kamakailan na ang Move It ay may over boarding na riders. Sanamagan! Patung-patong na ang reklamo sa Move It ah? Ang sakit sa bangs nito!
Nagsimula ang CCTV footage kung saan ang motor ng rider ay nakaparada sa tabi ng puting kotse na pag-aari ng isang Bry Sunga sa harap ng SM mall sa San Mateo noong Pebrero 4. Sumakay ang naka-helmet na rider sa kanyang motorsiklo at paatras-abante ito at palinga-linga na mukhang kumukuha ng tiyempo na walang dumaraan na tao na makahalata sa kanya.
Sa unang sultada, itinukod ni rider ang kanyang kanang kamay sa salamin sa kanang bahagi ng kotse. Subalit inalis nIya ang kanyang kamay nang makitang may dumaraan na tao.
Paglampas ng tao, ipinatong na muli ng rider ang kanyang kamay sa nasabing salamin at itinulak ito. Abayyy biglang nagkanda-laglagan ang salamin. Tsk tsk tsk! Parang may madyik si rider, no mga kosa? Ano kaya ang ginamit n’ya? Kasi kung tingnang maigi, nakasuot naman ito ng guwantes. Dipugaaa! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sa puntong ito, dinaklot ni rider ang bag, na naglalaman ng laptop, sa front seat bago ito pasimpleng tumakas. Siyempre, laking gulat ni Sunga nang makitang butas na ang salamin ng kotse niya. Wala namang makapagsabi kung sino ang may kagagawan nito hanggang sa makita niya ang insidente sa CCTV footage.
Inireport na n’ya ang kaso sa San Mateo police. Ang masaklap n’yan, nawalan na siya ng mamahaling laptop, gagastos pa siya para palitan ang nasirang salamin ng sasakyan niya. Sal-it! Hehehe!
Kaya ang babala ng PNP sa mga car-owners ay ‘wag mag-iwan ng kung anu-anong mamahaling gamit sa nakaparadang kotse, lalo na sa alanganing lugar, at baka sila na naman ang kasunod na bibiktimahin ng mga “magician” na magnanakaw! Abangan!
- Latest