Lalaking nakabili ng murang plato sa thrift store, natuklasang nagmula pa ito noong sinaunang panahon sa China!
ISANG thrift shopper sa Illinois, U.S., ang nag-uwi ng isang pambihirang porcelain plate na may halagang libu-libong dolyar—at nabili niya lang ito sa halagang $4.99 (o halos P280) sa isang secondhand store!
Ang masuwerteng lalaki, si John Carcerano, ay isang beteranong antique hunter na matagal nang namimili sa mga secondhand stores.
Habang namimili, napansin niya ang isang nakatagong plato sa ilalim ng mas modernong piraso.
Gamit ang Google Lens, agad niyang kinuhanan ng litrato ang plato at nalaman niyang kamakailan lang ay may kaparehong plato na naibenta sa halagang $4,400 (mahigit P250,000).
Hindi siya nagdalawang-isip na bilhin ito. Matapos ipa-appraise sa mga eksperto sa Sotheby’s at iba pang auction houses, nakumpirmang ang kanyang nakuha ay isang bihirang “Chinese export armorial platter” mula pa noong 1775 sa panahon ng Qing dynasty.
Bukod sa pagiging antigong piraso, lumabas na halos perpekto pa ang kondisyon ng plato—walang gasgas o bakas ng paggamit. Dahil dito, tinatayang nasa $4,000 hanggang $6,000 ang halaga nito (P230,000-P340,000).
Para kay Carcerano, ang sikreto ng matagumpay na paghahanap ng mga antique sa mga secondhand store ay tiyaga at tamang timing.
Madalas siyang naghihintay ng mga bagong bagsak ng paninda bago ito maagaw ng iba. Sa pagkakataong ito, isang simpleng plato ang naging kanyang jackpot.
- Latest