Lola sa Japan, naging app developer sa edad na 89!
ISANG lola sa Fujisawa City, Kanagawa Prefecture ang hinahangaan matapos matutong mag-coding at makabuo ng isang smartphone app!
Sa edad na 89, pinatunayan ni Masako Wakamiya na hindi hadlang ang edad sa pagsabay sa makabagong teknolohiya.
Matapos magretiro bilang empleyado ng banko noong 1992, napansin niyang kulang ang digital content para sa mga matatanda.
Dahil dito, natuto siyang gumamit ng computer at kalaunan ay nakagawa ng mobile app na pinangalanan niyang “Hinadan,” na nagtuturo ng tamang pag-aayos ng mga manika tuwing Japanese Doll Festival.
Layunin niyang hindi lang magbigay-aliw kundi mapanatili rin ang kulturang Hapon sa bagong henerasyon.
Dahil sa kanyang tagumpay, naanyayahan siyang magsalita sa United Nations at iba’t ibang tech conferences sa mundo, kung saan nakasama pa niya ang CEO ng Apple na si Tim Cook.
Iminungkahi pa niya na gawing mas “senior-friendly” ang iPhone upang mas maraming matatanda ang mahikayat gumamit ng teknolohiya.
Ang kanyang kuwento ay nagsisilbing inspirasyon sa marami, patunay na hindi kailanman huli ang pagkatuto at pag-abante sa digital na mundo.
- Latest