Puwede bang tanggalin ang empleyadong may sakit?
Dear Attorney,
Tanong ko lang po kung puwede po bang mag-terminate ng empleyadong nagkaroon ng nakahahawang sakit? Regular po ang empleyado. — Sarah
Dear Sarah,
Maaring maging dahilan ang pagkakaroon ng sakit upang matanggal sa trabaho ang isang empleyado ngunit hindi ito applicable sa lahat ng sitwasyong may sakit ang empleyado.
Sa ilalim ng Article 299 ng Labor Code, upang maging sapat na dahilan ang pagkakasakit para tanggalin ang isang empleyado ay kailangang (1) ang patuloy na pagtatrabaho ng empleyado ay labag sa batas dahil sa taglay niyang sakit o kung ito ay makakasama hindi lamang sa kanya kundi pati na rin sa kalusugan ng mga kasamahan niya ang patuloy niyang pagtatrabaho; (2) at may sertipikasyon na ang sakit niya ay hindi magagamot sa loob ng anim na buwan.
Malinaw na bagama’t maaring dahilan ang sakit sa pagkakatanggal sa trabaho ay kailangang present ang mga nabanggit na kondisyon.
Kung applicable ang mga ito ay maaring maging ground ang pagkakasakit ng empleyado para sa kanyang pagkakatanggal.
Kung matanggal man ay entitled naman ang empleyado sa separation pay na katumbas ng kalahating buwang sahod para sa bawat taon ng kanyang naging serbisyo.
Kailangan lang bigyang diin na kailangang kumpleto ang mga kondisyon para tanggalin ng naayon sa batas ang isang empleyado dahil sa kanyang sakit.
Kung kulang kahit lamang ng isa sa mga ito at siya ay tinanggal pa rin dahil sa sakit ay maaring maharap sa reklamong illegal dismissal ang kanyang employer.
- Latest