PINAPAALALAHANAN ng mga awtoridad sa Wyoming, U.S.A. ang kanilang mga residente na ilaan ang paglalagay ng Christmas decorations sa bahay imbis na sa kanilang mga sasakyan, matapos hulihin ang isang motorista na naglagay ng Christmas lights sa kanyang kotse para sa darating na Pasko.
Ang insidente ay naganap matapos mapansin ng isang highway patrol trooper ang isang Ford Mustang na kumukutikutitap sa kalsada.
Ayon sa Wyoming Highway Patrol, ang ganitong klaseng pagpapalamuti ay hindi lamang labag sa batas, kundi maaari ring magdulot ng panganib sa kalsada.
Ang patakaran ng state of Wyoming ay nagbabawal sa paggamit ng mga sasakyang may pula o asul na ilaw dahil maaaring magdulot ito ng kalituhan sa iba pang motorista.
Bagama’t nakakatuwang tingnan at nakakadagdag sa diwa ng Pasko, muling pinaalala ng mga awtoridad na mas mahalaga ang pagsunod sa batas para sa kaligtasan ng lahat.