‘Ligaw’ (Part 8)
HABANG nakasalampak ako sa ilalim ng malagong punong kawayan, bigla kong naalala ang mga nangyari nung dumating kami sa bahay bakasyunan nina Benjo. Habang kami ay nagkakatuwaan sa bakuran, pakiramdam ko ay may mga matang nag-oobserba sa aming mga kilos.
Maingay kami at malakas ang tawanan. Mabiro kasi si Benjo kaya hagalpakan kami ng tawa. At pakiramdam ko, sa bawat hagalpak ng tawa ay nanlilisik ang mga mata ng nilalang na nag-oobserba sa amin. Pero hindi ko naman makita kung ano iyon. Pakiramdam ko lamang iyon—pero hindi pa nagkamali kahit minsan ang pakiramdam ko. Laging tama ang kutob ko.
Maski nang kami ay nasa farm na at kumakain ng mga prutas, naramdaman kong muli ang mga matang nag-oobserba. Para bang lahat nang galaw namin ay minomonitor ng nilalang na hindi ko nakikita.
At ngayong narito ako sa lugar na pawang kawayan ang nakatanim, malaki ang hinala ko na ang nilalang na nag-oobserba sa amin ang may kagagawan kung bakit ako naligaw at hindi makaalis sa lugar.
Maaaring kapre o tikbalang ang may kagagawan nang lahat.
Pero bakit ako ang napili na paglaruan?
Bakit ako ang niligaw?
Habang nakasalampak ay nagkonsentreyt ako. Kailangang talasan ko ang isip para hindi talunin ng pagkalito o takot.
Naalala ko ang sinabi ni Lolo Indo nun, kapag natalo ng nilalang, maaaring hindi na makabalik sa pinanggalingan ang naligaw ng daan!
(Itutuloy)
- Latest