NOONG isang araw, umuwi kaming mag-asawa sa probinsiyang aking kinalakhan. Tamang-tama na oras ng tanghalian nang kami ay dumating kaya’t naisipan naming sa restaurant na lang kumain malapit sa aming bahay.
Ang restaurant ay old Spanish house na ginawang kainan. Walang nabago sa hitsura ng bahay maliban lang sa nilagyan lang ito ng maraming dining tables. Gusto marahil ng may-ari ay panatilihin ang hitsura nitong sinauna. Ang restaurant ay may dalawang palapag.
Habang naghihintay na isilbi sa amin ang inorder na pagkain, lumibot kami sa paligid ng restaurant. Sabi ko sa aking mister : Dito kami tumira mula 1967 hanggang 1970. Sa groundfloor kami nakatira. Ayaw paupahan ang second floor dahil nakaimbak doon ang mga antique na gamit ng may-ari. Lumipat sila sa mas malaki at modernong bahay ng panahong iyon. Ang kitchen ng restaurant ay dati rin naming dining room at kitchen.
Ang bahay na ito ang ikinukuwento ko sa mga nakalipas na “Diklap” episode na maraming nakasulat na kabastusan sa pader. Sa pader din ito ako natutong magbasa na hindi ko alam ay mga kabastusan palang salita. Hindi lang pagbabasa ang natutuhan ko sa sinaunang bahay na iyon. Nalaman ko rin ang konsepto ng pagiging mahirap at mayaman. Pagiging maganda at pangit na hitsura ng mga tao.
Pangit ang hitsura ng silong ng bahay, ang lakas makamahirap! At labis ko itong ikinahihiya. Ayaw kong papuntahin sa aming bahay ang mga kaibigan kong maykaya sa buhay. Gumagawa ako ng maraming dahilan para hindi nila ako puntahan sa bahay.
Lalo pang lumalim ang paniwala ko na nakakaawa ang aming kalagayan nang palayasin kami ng may-ari ora mismo dahil nag-away sila ng aking ina. Pinagtsismisan kami ng mga kapitbahay. Inihalintulad kami sa mga pusang gala na walang maituring na tahanan.
Ang aking kapatid na maputi ay kinatuwaan ng sosyal na dalagang apo ng may-ari ng aming inuupahang bahay. Ipinasusundo ang kapatid ko ng sosyal na dalaga para dalhin sa kanilang malapalasyong bahay. Sasabihin ng katulong sa aking kapatid: “Pinasusundo ka ni Mam Jackie.”
“Isama natin ang aking ate,” sagot ng aking kapatid.
“Hindi puwede, ‘yung cute lang daw, ‘yung maputi. Ikaw lang.”
Narinig ko ang usapan. Maliwanag na hindi ako cute dahil hindi ako maputi. Kaya siguro nang maging dalaga na ako, halos ipaligo ko na ang whitening lotion, pumuti lang ako at maging cute. Marami pa akong karanasan sa sinaunang bahay na iyon na humubog ng aking pagkatao at mga pangarap.
By the way…masarap naman ang pagkain. Tiyak na babalik ulit ako para tikman ang iba pang menu at para alalahanin ang mga nakakalungkot pero nakakatawa na ngayong mga karanasan ko noon.