(Huling bahagi)
NAPAIYAK ang kaibigan kong si Joe nang bigyan ko ng puhunan para makapagnegosyo siya. Magtitindahan na lamang daw siya dahil napapagod na rin sa pagiging pahinante ng truck. Sinagot ko ang pag-aaral ng anak ni Joe at ginastusan ang pagpapagawa sa kanyang bahay na noon pa raw niya pangarap maipagawa.
Kahit mayroon akong sasakyan, pinipili ko pa ring maglakad mula sa aking condominium unit patungo sa aking opisina sa Makati Avenue. Mula nang ma-promote ako, sa isang condo sa Ayala Avenue na ako tumira. Kapag Sabado at Linggo ay dinadalaw ko sina Tatay Kiko at Nanay Angela sa tinitirahang condo sa may Abad Santos, malapit din lang sa luma naming bahay. Kahit na nasa condo na, nagluluto pa rin ng mga ulam sina Tatay Kiko at Nanay Angela. Libangan daw nila iyon.
Kapag naglalakad ako patungo sa aking opisina, nakaugalian ko nang pulutin ang mga pako na nakikita ko sa daan. Iniipon ko ang mga iyon. Kahit mga kinakalawang na, natutuwa akong pulutan ang mga pako.
Sa pamamagitan niyon ay naaalala ko ang aking pinagmulan. Hindi ko malilimutan ang mga pako sa aking buhay.