Pagligo sa baha nais ipagbawal
DAHIL sa patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa, irerekomenda ni Health Secretary Ted Herbosa sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng isang ordinansa na magbabawal sa paliligo sa baha.
Matindi nga naman ang paglobo ng naturang sakit at ilan na rin ang naiulat ng nasawi dito, partikular sa Metro Manila.
Ito’y matapos na maranasan ang matinding pagbaha dulot ng bagyong Carina at Habagat.
Kapansin-pansin na tila ngayon lang ito nangyari, kung saan maging ang gym ng National Kidney Transplant Institute (NKTI)ay ginawa na rin leptospirosis ward dahil sa dami ng pasyente.
Bagama’t hindi maiiwasan ng ilan ang paglusong sa baha, May paalala ang mga eksperto kung paano mapoprotektahan ang sarili sa naturang sakit.
Gayunman, tila may ilan naman mistulang naghahanap talaga ng sakit.
Kahit hindi naman kailangang lumusong, aba’y naglalangoy at doon pa naliligo at hindi alintana ang nakaambang panganib.
Sinabi ni Herbosa, kung mapipigilan ang marami sa paliligo o paglangoy sa baha hindi na mahihirapan pa ang DOH na tugunan ang kaso ng leptospirosis tulad ng sitwasyon ngayon na ginagawang extension ng hospital ang mga basketball court para lamang ka- accommodate ang mga tinamaan ng naturang sakit.
Mababawan naman aniya ang leptospirosis kung hindi maliligo sa baha dahil nakukuha ang nasabing sakit sa ihi ng daga.
Marami pa rin naman kasi ang masasabing pasaway na parang hindi tinatablan ng naturang karamdaman.
Kapag tinamaan, nandun na ang pagsisisi.
- Latest