MAY isang ama ng tahanan na naulit sa ikalawang pagkakataon ang stroke. Kaya pala naulit ang atake ay malnourished ito ayon sa kanyang doktor. Palagi raw lugaw ang kinakain kaya hindi kataka-takang maging malnourished. May misis siya pero sabi nga ng mga kakilala niya, batugang maghanapbuhay. Umaasa lang ito sa tulong ng mga kamag-anak ng lalaki.
Sa kabilang banda, may isang matandang stroke victim sa rehabilitation center. May dalawang nurse na nag-aasikaso sa kanya at VIP ang service sa kanya ng mga therapist. ‘Yun pala, siya mismo ang may-ari ng ospital kung saan naka-base ang rehabilitation center. Ang misis niyang doktor ang founder ng ospital.
Dalawang mukha ng buhay: Masuwerte ang matandang stroke victim dahil ang napili niyang asawa ay mahusay na babae kaya ngayong maysakit siya ay “the best” ang serbisyong kanyang natatanggap. Kung minsan, bukod sa pag-ibig, isaalang-alang din dapat ang qualities ng taong mamahalin at pakakasalan.
‘Yung malnourished na stroke victim ay may pinag-aralan. Noong binata pa siya ay maraming dalagang “matitino, edukada at magaganda” ang nagkagusto sa kanya. Ewan kung bakit siya nahaling sa isang babaeng hindi na nga kagandahan, hindi pa nakatapos ng pag-aaral at mataray. Ngayong hindi na makapaghanapbuhay si Mister ay tiis na lang sila sa mga bigay na pagkain ng maawaing kamag-anak at kaibigan. Malakas pa sa kalabaw ang misis nito pero walang makapagsabi kung bakit hindi ito naghahanapbuhay.
Ang mga kamag-anak ng lalaki na tumutulong sa kanila ay hindi naman makapagtanong dahil daig pa nito ang naglilihing tigre kapag nagtaray. Tumutulong na lang sila alang-alang sa Mister na mahal na mahal ng kapamilya nito.
“One of the hardest things for a man to find is a good wife and a good barber”
-- Sotero M Lopez II