MAY isang magnanakaw na hindi umaamin na masama ang kanyang ginagawa. In fact, ang tingin niya sa sarili ay isang matalinong tao.
“Matalino lang ako at hindi magnanakaw. Nagkataon lang na marami akong alam na paraan para kumita ng pera” ang laging palusot ng magnanakaw.
Isang araw, nagtagumpay siya sa pagnanakaw ng alahas sa isang pawnshop. Itinago niya ang mga alahas sa kanyang backpack. May nakasalubong siyang isang batang lalaki na umiiyak.
“Bakit ka umiiyak?”
“Natatakot akong pagalitan ng aking ama dahil may kasalanan akong ginawa.”
“Anong ginawa mo na ikakagalit niya?”
“Inutusan niya akong umigib ng tubig sa balon. Pero habang itinatali ko ang timba ito ay nabitawan ko at nahulog sa ilalim.”
“Heto ang pera, bumili ka ng bagong timba.”
“Hindi mo ako naiintindihan. Mahalaga ang timba ng aking ama. Ang timba na sinasabi ko ay gawa sa ginto. Wala kasi akong magamit na plastic na timba kaya lihim kong ginamit muna ang timba na iniingatan niya sa mahabang panahon.”
Lihim na nagdiwang ang kalooban ng magnanakaw. Gintong timba? Kailangang makuha niya iyon. Uutuin niya ang bata. Nagpasama ang lalaki sa bata para ituro kung nasaan ang balon.
“Hayaan mo, ako ang lulusong diyan sa balon para makuha ang iyong timba. Hindi mo naitatanong, ako ay magaling na manlalangoy sa aming lugar.”
Agad naghubad ng damit ang magnanakaw at saka tumalon sa balon. Ang bata ay napangisi nang maiwang mag-isa. Agad niyang kinuha ang damit ng magnanakaw at backpack na naglalaman ng alahas na ninakaw sa pawnshop.
Sa sobrang pagkaganid, na-excite ang magnanakaw sa golden timba. Nakalimutan nito ang mga alahas na nasa bag niya. Walang timba sa balon. Biglang nanigas ang kanyang paa, hindi na niya ito maisikad paitaas ng balon. Lumubog siya sa pinakailalim ng balon hanggang doon niya natagpuan ang kanyang wakas.