Hanggang April 30, na lamang ang itinakdang deadline para sa consolidation ng mga public utility vehicles (PUVs) kaugnay sa ipatutupad na modernization ng pamahalaan.
Ayon nga sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pinal na ang naturang petsa at wala nang magaganap na extension para rito.
Aba’y nakailang ulit na nga bang nabigyan ng pagkakataon ang mga operators at drivers ng PUVs.
Makailang beses nang pinalawig ang consolidation.
Kaya nga paalala ng LTFRB, samantalahin na ang natitirang araw para rito, upang patuloy silang makabiyahe.
Kasi nga kung hindi sila nagpa-consolidate pagsapit ng Mayo 1 ay hindi na sila pahihintulutang bumiyahe sa mga lansangan, ito ay para tuluyan nang umusad ang modernization program.
Tuluyan na rin umanong ire-revoke ng ahensya ang prangkisa ng mga hindi sumama sa consolidation.
Ang consolidation ay isang proseso na pagsasama-samahin ang lahat ng pampasaherong sasakyan sa iisang korporasyon o kooperatiba para matiyak na maayos at roadworthy ang mga pampasaherong sasakyan.
Nakikitang mangyayari rito, kapag malapit na ang deadline nandyan na naman ang mga gagawing kilos-protesta ng transport group.
Mahabang panahon na ang naibigay, kung tutuusin over due ang programang ito ng pamahalaan.
Sana nga lang sa mahabang panahon nang pagpapalawig dito, sana ay nagawa na ang maraming pag-uusap, pagpapaliwanagan at konsultasyon.
Pero tila walang nangyaring ganito, kaya ang pwedeng inaasahang bago na naman matapos ang deadline nandyan na naman ang pag-ingay nang pagtutol.
Hindi nga ba’t nagparamdam na ang grupong Manibela ng malawakang kilos-protesta sakaling ipilit ang modernaization program sa PUVs, ang grupong PISTON inaalmahan din ito dahil sa mawawalang bisa anila ang kanilang prangkisa bukod sa hindi nila kayang bumili ng bawat bagong unit na may halagang P2.5 milyon.
Anila tanging ang mayayamang korporasyon ang magbebenepisyo sa programang ito dahil silang maliliit na PUV operator ay walang kakayahan na bumili ng imported na sasakyan na aprub na gamitin sa modernization program.
Malamang umano na madagdagang ang jobless na Pinoy kung tuluyang ipipilit ang naturang programa.
Dati na ang ganitong mga argumento, ang tanong nga rito matuloy pa kaya o hindi ang modernization program na ito.
O magkaroon pa uli ng panibagong extension sa consolidation.
Yan ang ating babantayan pagsapit ng April 30 deadline.