‘Kambing’

Marami kaming alagang kambing sa probinsiya. Sa pag-aalaga ng kambing kami naitaguyod ng aming mga magulang para makatapos ng pag-aaral. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang panganay. Ang sumunod sa akin ay isang babae, nakapagtapos ng nursing at ang ikatlo ay accountant. Ako ay nagtapos ng civil engineering.

Nangyari ang karanasan kong ito noong 1980 na ako ay Grade 6 pa sa isang public school. May isang kilometro ang layo ng school sa aming bahay. Nilalakad ko lamang ang pagpasok araw-araw. Ang dinadaanan namin ay kalsadang lubak-lubak. Hindi na naipatapos ng mayor. Hindi rin naipasemento kaya walang sasakyan na gustong dumaan. Naging kalsada na lang ng mga hayop—kalabaw, kambing at baboy.

Bago ako pumasok sa umaga ay pinakakain ko muna ang mga kambing na nakakulong sa malapit sa aming bahay. Napapaligiran ng bakod na kawayan at madre kakaw ang kulungan ng kambing na noon ay umaabot na sa 200 ulo. Binibigyan ko ng damo ang mga kambing. Paborito nila ang mga mais na bago pa lamang namumulaklak.

Pagdating ko galing sa school, pakakaiinin ko uli. Kahit marami ang aming kambing kilala ko ang mga yun. Kaya kapag may nakaalpas at napahalo sa iba pang mga kambing na ari ng aming kapitbahay, nakikilala ko agad at kinukuha.

Isang araw na uwian namin mula sa school, nagkayayaan kaming magkaklase na maligo sa ilog na aming dinadaanan. Tatlo kami.

Habang patungo sa ilog, bigla kong nakita ang isa na­ming alagang kambing na tila nawawala. Nakaalpas ito sa kulungan. Hindi ako maaring magkamali na iyon ay aming kambing.

Sabi ko sa dalawang kaklase, mauna na sila sa ilog at itataboy ko lamang pauwi ang kambing. Nang tinaboy ko ang kambing, kung saan-saan ito nagsuot. Nagpunta sa damuhan. Hinanap ko at tinaboy ulit.

Hanggang sa makarating ako sa bahay sa pagtataboy sa kambing. Naibalik ko ito sa kulungan. Babalik na sana ako sa ilog na pinagliliguan ng mga kasama ko pero pi­nigilan ako ni Inay. Masyado na raw mainit. Delikado raw.

Sinunod ko si Inay pero nanghihinayang ako na hindi nakaligo sa ilog.

Kinabukasan, na-shock ako sa kumalat na balita: nalunod sa ilog ang dalawa kong kaklase. Gumapang ang kilabot sa aking katawan. Bigla kong naisip ang kambing. Kung hindi ko itinaboy pauwi ang kam­bing, baka nalunod din ako at namatay.

Show comments