EDITORYAL - Nakakahiyang Bureau of Investigation

HINDI raw sapat ang sorry ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring pagpapasayaw ng isang babae sa ginanap na command conference sa isang hotel sa Maynila. Sabi ng isang grupo ng kababaihan, dapat may managot kung sino ang nag-hire sa babae. Kumalat ang video nang nagsasayaw na babae na naka-bra at panty lamang habang isa-isang iniikot ang mga mesa ng taong kabilang sa conference noong Hunyo 30.

Maharot ang pagsasayaw ng babae habang naka­tingin ang mga tila natatakam na mga ahente ng NBI at mga panauhin. Pinagpistahan ang katawan ng babae. Hindi nalaman kung ano pa ang ginawa ng babae ma­liban sa maharot na pagsasayaw. Posibleng tinanggal ng babae ang dalawang saplot para masulit ang pag-hire sa kanya sa pagtitipon ng NBI officials.

Ang nangyari ay labis na ikinahiya ni NBI Director Medardo De Lemos. Humingi siya ng paumanhin sa nangyari. Hindi raw intensiyon ng NBI na makasakit ng damdamin ng kababaihan. Pinaiimbestigahan na umano niya ang nangyari. Gusto raw niyang matukoy kung sino ang nag-hire sa babae. Mananagot umano ito sa kahihiyang idinulot sa NBI. Sisibakin umano niya sa puwesto ang mapapatunayang nagkasala.

Ayon kay De Lemos, wala raw siya nang mangyari ang pagsasayaw ng babae. Umalis umano siya nang ma­aga dahil napagod sa dalawang araw na conference sa kanilang ahensya. Kung naroon daw siya ay baka hindi natuloy ang pagsasayaw ng babae.

Kasalukuyang nasa kontrobersiya ang NBI dahil sa drug suspect na si Jose Adrian Dera. Nakakulong sa NBI detention cell si Dera dahil sa kasong illegal na droga. Isa siya sa kasamang akusado ni dating Senador Leila de Lima. Ayon sa report, apat na beses lumabas sa selda kasama ang limang NBI guards. Kumain ito sa restawran ng isang hotel, nagtungo sa Tagaytay, Clark at Subic at dumadalaw sa bahay nito kasama ang isang babae.

Ngayon ay panibagong kontrobersiya na naman ang ginawa nila. Gaya ng sabi ni Director De Limos, ukol sa pagsasayaw ng babae, nakakahiya raw ang nangyari. Talagang nakakahiya. Ngayon ay iimbestigahan niya ang mga sariling tauhan kung paano nagkaroon ng babaing mananayaw sa conference. Iimbestigahan ng NBI ang sariling kabalbalan.

Ang ginawang pagpapasayaw sa isang babae sa ganoong pagtitipon ay hindi dapat ginagawa lalo pa ng NBI. Nangre-raid nga ang NBI ng mga bahay aliwan at sinasagip ang mga kababaihan na puwersahang pinagsasayaw, tapos ngayon ay sila pa ang nag-hire para magsayaw ito sa kanilang pagtitipon. Nakakahiya.

Show comments