Isang dolyar na kape

TINDERA/CASHIER si Ava Lins sa 24-hour convenience store na matatagpuan sa Salem Massachusetts. Isang gabi iyon ng winter na mapapakaligkig ka sa sobrang ginaw. Isang homeless man na nakatambay malapit sa convenience store ang hindi na matagalan ang ginaw sa labas kaya pumasok ito sa tindahan sa pag-asang mainitan man lang siya sandali ng heater sa loob.

Nakita ni Ava na nakahalukipkip ang homeless at medyo nangangatal ito. Sa sobrang awa, kumuha siya ng tig-one dollar cup instant coffee at iniabot sa lalaki. Tamang-tama na pumasok sa tindahan ang may-ari at nakita niya na may iniinom na kape ang homeless. Sinigawan ng may-ari ang homeless at pinagbintangang hindi ito nagbayad. Nag-alala si Ava na baka ipapulis ng amo ang homeless kaya sumagot siya.

“Sir, nagbayad siya.”

Palibhasa’y hindi sanay magsinungaling, ipinagtapat niya sa amo kinabukasan na siya ang nagbayad ng kape. Hindi iyon nagustuhan ng amo kaya tinanggal siya noon din. Franchisee lang ang kanyang amo kaya sa mother company siya naghabol.

Sa kasamaang palad, walang humarap sa kanya para dinggin ang kanyang apela. Sa sobrang desperasyon na makabalik sa trabaho, sa Facebook niya inilabas ang kanyang reklamo. Ikinuwento niya nang buung-buo ang mga pangyayari.

Maraming naawa sa kanya. Naging viral ang kanyang istorya sa social media. Kasabay nito ang maraming alok na trabaho sa kanya mula sa iba’t ibang kompanya. Nakatikim ng sobrang bashing ang kanyang amo at ang mother company ng convenience store. Pati media ay nakisali na rin sa isyu. Naging laman siya ng mga diyaryo at balita sa telebisyon.

Naging happy ang ending ng kanyang kuwento. Kinuha siyang administrative officer ng isang kompanya. Mas malaki ang suweldo kumpara sa tinatanggap niya sa convenience store plus murang pabahay na babayaran niya unti-unti sa mababang halaga.

Show comments