ISANG 60-anyos na war veteran sa North Carolina ang nanalo ng $4 million matapos niyang gamitin ang mga numero na nakuha niya mula sa fortune cookies.
Madalas kumain si Gabriel Fierro at ang kanyang misis sa Chinese restaurant na Red Bowl Asian Bistro kung saan binibigyan sila ng libreng fortune cookies pagkatapos kumain bilang panghimagas.
Tradisyon na sa Chinese restaurants sa U.S. na mamigay ng fortune cookies sa bawat customers. Gawa ang fortune cookies sa flour, sugar at vanilla. Bago kainin, binubuksan ito para makuha ang maliit na papel na may nakasulat na inspirational message o mga numero para sa lottery.
Noong Enero 18, 2022 nakita ni Fierro na numero ang laman ng fortune cookies niya kaya naisipan niya na gamitin ito sa Mega Millions. Ang Mega Millions ay isang online lottery sa U.S. Nang sumunod na umaga, nakatanggap ng email si Fierro na nagsasabing nanalo siya ng $4 million.
Agad pumunta sa lottery headquarters si Fierro para i-claim ang kanyang napanalunan. Nagkakahalaga ng $2.8 millions ang natanggap niya dahil binawasan na ito ng federal and state tax. Ayon kay Fierro, gagamitin niya sa investment ang bahagi ng kanyang napanalunan.