HINDI nagdalawang isip ang isang ama sa Michigan na iligtas mula sa nasusunog nilang bahay ang kanyang 18-buwang kambal na anak.
Dinatnan na lang ng 23-anyos na si Ray Lucas na nasusunog ang kanilang bahay sa Eastpointe, Michigan matapos niyang manggaling sa pamimili.
Dahil sa tingin niya ay wala nang oras para hintayin ang mga bumbero, tumakbo na si Lucas paloob ng nasusunog na bahay para sagipin ang kanyang kambal.
Natagpuan niya sa basement ang dalawa, na parehong tahimik dahil sa takot sa naglalagablab na apoy sa kanilang paligid.
Dali-daling kinarga ni Lucas ang kanyang kambal at habang yakap-yakap ang mga ito sa kanyang dibdib upang maprotektahan sila sa apoy sabay karipas ng takbo palabas ng nasusunog na bahay.
Nakaligtas ang tatlo sa apoy bagamat kinailangan silang isugod sa ICU dahil sa mga sunog na kanilang tinamo sa mukha at katawan.
Tuluyang naabo ang bahay ni Lucas kaya naman nangalap ng tulong pinansyal ang kanyang pamilya sa Internet.
Marami ang naantig sa kuwento ni Lucas kaya mula sa $40,000 (katumbas ng P2 milyon) lamang na target ay umabot sa $286,000 (P14.2 milyon) ang bumuhos na donasyon mula sa tinatayang 8,000 na katao.