Opinyon

NAMAMASYAL mag-isa ang hari sakay ng kanyang kabayo. Gusto niyang puntahan ang isang lugar na hindi pa niya nararating.

Pero kailangan niyang tawirin ang isang ilog para makarating sa lugar na nais niyang puntahan.

Isang bata ang nakita niyang sumasalok ng tubig sa ilog kaya ito ang kanyang nilapitan at tinanong.

“Bata, tagarito ka ba?”

“Opo.”

“Lagi ka bang umiigib ng tubig sa ilog?”

“Araw-araw po.”

“Sa palagay mo ba, ligtas kami ng aking kabayo na tumawid sa ilog?”

“Opo. Mababaw po ang ilog na ‘yan.”

Agad lumusong sa ilog ang hari sakay ng kabayo.

Pero na-realize ng hari na napakalalim pala ng ilog noong sila ay nasa kala­gitnaan na. Muntik na silang malunod.

Buti na lang at pareho sila ng kanyang kabayo na magaling lumangoy.

Nang nakaahon na sila sa pampang, pinagalitan ng hari ang bata.

“Manloloko ka! Sabi mo ay mababaw lang, pero saksakan pala ng lalim ang ilog na ‘yan!”

“Hindi po kita niloko nang sabihin kong mababaw ang ilog. Ang alam ko po ay mababaw talaga dahil nakakatawid ang aking mga alagang bibe sa ilog na iyan nang walang problema kahit maiikli lang ang kanilang mga binti. Kaya naisip ko po, kayang-kaya itong tawirin ng iyong kabayo na di hamak na mas mahaba ang binti kumpara sa aking mga bibe.”

If you need advice, get it from people who know what they are talking about. Opinion is the cheapest commodity on earth. Make sure you review for yourself the opinion of others before you act on them. – Napoleon Hill

Show comments