EDITORYAL - Huwag ilihim ang kalagayan para walang mahawa

KAYA maraming doktor ang nahawa ng COVID-19  ay dahil may mga nagpapakunsulta na hindi sinasabi ang kanilang history kung paano nagkasakit. Mayroong naglilihim. Mayroon pala sa mga ito ang nanggaling sa ibang bansa pero hindi sinasabi sa doktor. Ayon sa Philippine Medical Association (PMA), karamihan sa mga nagkokunsulta sa doktor ay hindi sinasabi ang totoong nangyari bago sila nagpa-checkup. Hindi nila alam na meron na silang COVID-19 at huli na sapagkat nahawa na nila ang doktor na tumitingin sa kanila. Ayon sa PMA, kung magiging matapat anila ang mga taong sasangguni sa doktor, maiiwasan ang paghahawahan at pagkalat ng sakit.

Ang mga doktor at nurses at iba pang health workers ang unang tinatamaan dahil sila ang may closed contact. Sa hanay ng mga doktor, siyam na ang nagbubuwis ng buhay. Kabilang sa mga ito sina Dr. Raul Jara, Dr. Israel Bactol, Dr. Gregorio Macasaet III, Dr. Rose Pulido, Dr. Sally Gatchalian at apat na iba pa. Si Jara at Bactol ay pawang cardiologists sa Philippine Heart Center, samantalang anesthesiologist si Macasaet sa Manila Doctors Hospital, si Pulido ay oncologist sa San Juan de Dios Hospital at si Gatchalian ay assistant director sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Sila ay mga bayani na nakipaglaban sa salot na COVID-19.

Hindi rin naman sana labagin ng ilang pulitikong nagpositibo sa COVID-19 ang protocol ng mga ospital. Mahigpit na pinag-uutos na huwag magtungo sa ospital upang hindi makahawa. Gaya nang ginawa ni Sen. Koko Pimentel na sinamahan sa Makati Medical Center (MMC) ang manganganak na asawa. Ganunman sinabi ni Pimentel na hindi pa niya alam ang resulta ng test bago siya nagtungo sa ospital. Nag-sorry na siya sa MMC sa ginawa ay handa raw siyang harapin ang lahat.

Sumunod sa utos at higit sa lahat huwag ilihim ang kalagayan para hindi na kumalat ang virus. Madali lang naman itong intindihin. Para ito sa kaligtasan at ikabubuti ng mamamayan.

 

Show comments