KATULAD sa Espanya, mayroon ding bullfighting sa India. Tinatawag ang bullfighting na Jallikatu. Ang pagkakaiba lamang ng Jallikatu sa bullfighting sa Espanya, walang ginagamit na lubid, panaksak o kaya’y pulang tela sa pagdaraos nito. At hindi rin pinapatay ang toro sa Jallikatu sapagkat sagrado ito para sa mga Hindu.
Ganunman, itinuturing ang Jallikatu na pinaka-delikado at may kalupitang sports sa India. Ginagawa ang Jallikatu tuwing Pongal o panahon ng pag-aani. Pagpapasalamat ito sa magandang ani.
Sa loob ng dalawang dekada, daang tao na ang namamatay sa pagdaraos ng Jallikatu sa Southern India. Kadalasang sinusuwag ng toro ang mga tao habang ginagalit ito.
Kung anu-anong uri ng pagpapagalit ang ginagawa para maghuramentado ang toro.
Bago pakawalan sa arena ang toro, puwersahan itong paiinumin nang maraming alak. Wiwisikan ng chili powder ang mga mata at pipisilin ang mga bayag.
Magwawala ang toro dahil sa napakasamang ginawa sa kanya. Suwag dito, suwag doon ang ginagawa. Karamihan sa mga nasusuwag at natatapakan ay mga kabataan na nakikisali sa ritual.
Sa kasalukuyan, masinsinang pinag-aaralan ng Supreme Court ng India ang pagbabawal sa Jallikatu. Ayon sa mga mahistrado, masyadong naaabuso ang mga toro. Isang “kahayupan” ang ginagawa ng mga tao sa toro.