ISANG bagong bukas na rural bank ang nag-alok ng loan sa mga magsasakang may sariling lupang sinasaka. Isang magsasaka na first time mag-aplay ng loan sa bangko ang iniinterbyu ng bank officer:
“Saan mo gagamitin ang P30,000 na inuutang mo?”
“Pambayad sa mga trabahador sa aking palayan, renta sa makinang kakailanganin at sa gagamiting pesticides”.
“Ano naman ang ikokolateral mo sa amin?”, muling tanong ng bank officer.
“Ano po ang kolateral?”, buong kainosentihang tanong ng magsasaka.
“Bagay na isasanla mo sa amin para kung hindi mo maibalik ang cash na hihiramin mo sa amin ay may pagkukunan kami ng iyong utang.”
“Bahay ko na lang po ang aking gagamiting kolateral”.
Sa madaling sabi ay nakautang ang magsasaka. Pagkatapos ng anihan ay nagtungo ito sa bangko para bayaran ang utang. Nakita ng bank officer na maraming natirang pera sa wallet ng magsasaka matapos kumuha ito ng pambayad.
“Mukhang kumita kayo nang malaki sa inyong palayan,” bungad ng bank officer.
“Oho, medyo mas malaki ang aming kinita ngayong anihan.”
“Baka ho gusto ninyong magdeposito ng inyong pera dito sa aming banko.”
“Ibibigay ko ang aking pera sa inyo?”, nagtatakang tanong ng magsasaka na walang alam sa banking system.
“Oho, mas safe iyon kaysa ilagay ninyo sa alkansiya.”
“Sige, pero ano ang kolateral ninyo?”, tanong ng magsasaka sa bank officer na hindi agad nakakibo.