MALIIT na insidente lamang umano ang pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank, ayon kay President Duterte. Dahil sa pagbangga, nasira ang bangka at muntik nang malunod ang 22 mangingisda.
Ang labis na nakakagigil sa pangyayari, matapos banggain ang F/B Gem-Ver, iniwan sila ng Chinese vessel kaya nagpalutang-lutang sila sa dagat sa loob ng maraming oras. Isang barkong pangisda ng Vietnam ang sumaklolo sa mga Pinoy. Pinakain sila at binigyan ng damit ng mga crew ng Vietnamese vessel.
Pinatotohanan ng kapitan ng Gem-Ver na intensiyon silang banggain ng Chinese vessel. Imposible umanong hindi sila makita ng kapitan ng barko dahil mayroon silang ilaw sa unahan, tagiliran at hulihan. Bagong pintura rin ang kanilang bangka kaya makikita agad sila kahit limang milya pa ang layo. Malaki ang paniwala ng kapitan na sinadya ang pagbangga sa kanila. Ganito rin ang sinabi ng iba pang mangingisda.
Tanging ang cook ng Gem-Ver ang nagsabing maaaring hindi sila nakita ng Chinese vessel kaya sila nabangga. Ayon sa cook, siya lamang ang gising ng mga oras na iyon kaya niya nasabing maaaring hindi sila nakita ng barkong pangisda ng China.
Dahil sa magkaibang salaysay, nagkaroon ng kalituhan at nahati ang opinyon ukol sa isyu. Nadismaya naman ang iba dahil nga minaliit mismo ng Presidente ang insidente. Ayon sa mga nadismaya, paano kung may namatay sa pagbangga, maliit pa rin bang insidente iyon.
Pero nagbago na ng tono ang mga mangingisda nang dalawin ni Agriculture Sec. Manny Piñol noong isang araw. Nag-sorry ang mga mangingisda sa Presidente dahil sa sinabi nilang intensiyong pagbangga ng Chinese vessel.
Maaaring tapos na ang isyung ito at lalabas ngang hindi sinasadya ang pagbangga pero dapat pa ring magreklamo sa United Nation dahil sa pag-abandona sa mga mangingisdang nalulunod. Malinaw na may paglabag ang crew ng Chinese vessel. Ituloy ang pagrereklamo kahit na nagkaroon na ng mga pabagu-bagong istorya sa “maliit” na insidente.