EDITORYAL - Bansa ng mga kidnaper

SA ipinalabas na updated travel advisories ng US State Department at sa pagkakasama ng Pilipinas sa mga bansang marami ang nakikidnap at naho-hostage, tiyak na maraming aatras para bumisita sa Pilipinas.

Nataon pa ang paglalabas ng advisories kung kailan maraming turista ang dumadagsa sa bansa dahil sa summer season. Ayon sa report, halos fully booked na ang mga hotel sa mga kilalang beach resort sa bansa. Mula pa umano Disyembre ay marami nang nagpa-booked sa mga hotel. Nagpapakita lamang ito na maraming dayuhan ang nagnanais pa ring bumisita sa bansa.

Ang inilabas na advisories ng US ay dapat namang maging hamon sa Philippine National Police (PNP) para sugpuin ang kidnapping syndicate na patuloy na namamayani. Hindi masisisi ang US na maglabas ng advisories sapagkat may bahid ng katotohanan ang kanilang sinasabi.

Talaga namang may mga nagaganap na kidnapping at pangho-hostage. Patunay ang ginagawa ng mga teroristang Abu Sayyaf sa mga dayuhan at ang malagim na pangho-hostage ng isang sinibak na pulis noong 2010 sa mga Hong Kong nationals sa Quirino Grandstand sa Luneta na marami ang namatay.

Noong nakaraang linggo, nakunan ng CCTV ang pagkidnap ng mga umano’y pulis sa tauhan ng pinaslang na mayor sa loob mismo ng isang hotel sa Sta. Rosa, Laguna.

Biglang nagdatingan ang mga armado at binitbit palabas ang biktimang si Allan Fajardo.

Bansa ng mga kidnaper at hostage taker. Dapat ipakita ng PNP na kaya nilang pigilan ang mga kidnaper para naman mapayapa ang loob ng mga dadalaw na turista.

Kapag hindi nila naputulan ng sungay ang mga kidnaper, wala nang bibisita sa bansa at babagsak ang turismo. Kawawa ang mga Pilipino na animo’y may nakahahawang sakit na iniiwasan ng mga dayuhan sa takot na makidnap. Lupigin ang mga kidnaper. 

Show comments