ISA sa pinaghahandaang selebrasyon sa Pilipinas ang Undas o ang Todos los Santos (All Saints Day) sa tuwing Nobyembre 1. Sa Catholic Church, ang Nobyembre 2 ay All Souls Day upang alalahanin ang lahat ng mga namatay. Ang salitang undas ay ga-ling sa salitang Espanyol na honra na ang ibig sabihin ay respeto. Mula sa honra ay naging undras hanggang naging undas.
Pagbibigay respeto sa mga namatay: Ito ang magandang layunin ng Undas. Kaya lang sa tradisyong Pilipino, tila kung kailan Undas ay doon lalo tayong nawawalan ng respeto sa maraming bagay. Kawalan ng respeto sa mga namatay dahil sa ingay at pag-iinuman sa loob mismo ng sementerio. Buti na lang at sa ngayon ay ipinagbabawal na ito. Kawalan ng respeto sa kalinisan dahil sa tone-toneladang basurang iniiwan ng mga bumibisita sa mga sementerio. Ito yata ay isang bagay na napakahirap ipagbawal. Kawalan ng respeto sa kasagraduhan ng okasyon dahil sa pangangampanya ng mga pulitiko kapag may nalalapit na eleksiyon na katulad ngayon. Ito yata ang talagang hindi maipagbabawal, sapagkat sadyang mahusay gumawa ng iba’t ibang gimik ang mga tradisyunal na pulitiko.
Siyempre, ang pinakamataas na uri ng paggalang sa mga namatay ay hindi ang pagbisita sa kanila sa sementerio, kundi ang pagtulad sa magagandang halimbawa ng kanilang buhay. Ito ang isang tanging paraan upang mapanatiling buhay ang kanilang alaala at impluwensiya. Nasa kamay ng mga nabubuhay ang pananatiling buhay ng magandang impluwensiya ng namatay na.
Kung karapat-dapat igalang ang mga patay, lalo namang karapat-dapat igalang ang mga buhay. Kung may pagkakataon man na dapat maitaas ang kasagraduhan ng buhay, ito’y tuwing Undas. Bawat buhay ay sagrado, sapagkat ito’y bigay ng Diyos at tanging ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi nito. Ito ang dahilan kung bakit maraming bansa na ang nag-alis ng parusang kamatayan. May dalawang pangunahing dahilan kung bakit. Una, sapagkat ang parusang kamatayan ay napatunayang hindi mabisang panghadlang o deterrent sa paggawa ng krimen. Ikalawa, sapagkat walang perpektong sistema ng hustisya sa anumang lipunan, kung kaya’t posibleng maparusahan ng kamatayan ang walang kasalanan. Isa lamang ang maging biktima ay isa nang mariing dagok sa buong sangkatauhan. Dito sa atin, naniniwala ka ba na lahat ng nahatulan ng mga korte na nagkasala ay talagang nagkasala?
Ito rin ang dahilan kung bakit kasuklam-suklam ang tinatawag na extrajudicial killing (EJK) o ang pagpatay ng isang otoridad (tulad ng pulis) sa isang tao na walang pahintulot ng korte o hindi dumaan sa ligal na proseso. Dati, ang tawag dito’y salvaging na mula sa salitang salbahe na hango sa Espanyol na salvaje, ibig sabihin ay marahas.
Dahil sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng kasalukuyang administrasyon, libu-libo na ang mga napatay na diumano’y sangkot sa krimeng ito. Sinasabi ng mga kritiko na karamihan sa mga napatay ng mga pulis ay resulta ng EJK. Siyempre, mahigpit itong pinabubulaanan ng gobyerno.
Natapos na ang Undas. Ngunit nawa’y magpatuloy ang pagrespeto natin sa mga namatay sa pamamagitan ng paggaya sa magaganda nilang halimbawa. At higit sa lahat, nawa’y tumaas ang pagrespeto ng gobyerno at ng bawat mamamayang Pilipino sa mga buhay sa pamamagitan ng pagrespeto sa buhay ng bawat tao, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala.
Ikaw mismo, may magagawa ka para ang magandang diwa ng Undas ay magpatuloy. Patayin ang bawat pag-iisip na tumitingin lamang para sa kapakanan ng sarili at buhayin ang bawat pag-iisip na tumitingin para sa kapakanan ng bansa.