ISANG babae sa Turkey ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan makaraang pagkalooban ng kidney ng isang babae. Kung hindi sa kidney ng babae, maaaring wala na siya. Ang babaing nagdonate ng kidney ay walang iba kundi ang mistress ng kanyang asawa.
Apat na taon nang nagsasama sina Mehmet at Meliha Avci. Mayroon silang isang anak. Hanggang sa magkasakit si Meliha. Natuklasan na ang isa niyang kidney ay hindi na nagpa-function. Kinailangan niyang mag-dialysis, tatlong beses sa isang linggo.
Dahil doon, naratay si Meliha. Ang kanilang anak ay sa kanyang mother-in-law dinala ng kanyang asawang si Mehmet. Hindi na kasi maaasikaso ni Meliha.
Hanggang sa may makilalang babae si Mehmet, si Ayse Imdat. Nagkaroon sila ng relasyon. Para lalong madali ang pagkikita ng dalawa, kinuha niyang babysitter ng anak si Ayse. Sa bahay ng kanyang ina dinala si Ayse.
Pero natuklasan ni Meliha ang pagtataksil ni Mehmet. Sa halip na magalit, hiniling pa ni Meliha sa asawa at sa kabit nito na magpakasal ang dalawa kapag siya ay namatay na.
Nabagbag ang kalooban ni Ayse at pinasyang ipagkaloob ang isang kidney kay Meliha. Sabi niya, iisang lalaki raw ang kanilang minahal at ngayon isang kidney rin ang kanilang paghahatian. Nangako siya na aalagaan si Meliha hanggang gumaling.