MALAKI ang pakinabang ng 6-anyos na batang lalaking si Ming Ming sa kanyang mga taynga. Kung hindi dahil sa kanyang mga malalapad na taynga ay baka nahulog na siya mula sa ikawalong palapag ng kanilang tinitirahang flat at nagkalasug-lasog ang kanyang murang katawan. Sumabit ang kanyang mga taynga sa bakal kaya hindi siya nahulog.
Si Ming Ming ay nakatira sa Jucheng Compound, Hubei Province, China. Ang kanyang lolo ang kasama niya sa bahay sapagkat nagtatrabaho ang mga magulang.
Isang umaga, iniwan si Ming Ming ng kanyang lolo habang siya ay natutulog. Ayon sa matanda, sinamantala niya ang pagkakataon na tulog si Ming Ming kaya siya umalis. Saglit lang naman daw siyang mawawala. Mayroon siyang bibilhin sa tindahan sa ibaba ng flat.
Pero biglang nagising si Ming Ming at umiyak nang umiyak nang makita na wala ang kanyang lolo. Nasanay siyang paggising ay nakikita ang kanyang lolo.
Sumampa siya sa bintana na walang iron grills o anumang harang.
Sa pagsampa, nadulas si Ming Ming at nahulog. Lumusot ang kanyang katawan sa mga nakahanay na bakal sa dakong ibaba ng bintana.
Pero hindi lumusot ang kanyang ulo sa bakal. Napigil ang kanyang ang pagbulusok sapagkat sumabit ang kanyang mga taynga. Nakabitin sa ere si Ming Ming.
Sa ibaba ay maraming tao ang nag-uusyuso. Ang iba ay hindi humihinga sapagkat sa kaunting galaw ni Ming Ming ay maaari siyang mahulog at magkadurug-durog ang katawan.
Tumawag ng bumbero ang mga tao para ang mga ito ang mag-rescue kay Ming Ming.
Ginamitan ng hydraulic tools para maalis si Ming Ming sa pagkakaipit sa bakal. Hanggang sa makuha siya.
Sabi ng isang bumbero, himala ang nangyari sa bata. Kung nahulog daw ito sa ground, tiyak na mamamatay ito. Malalasog ito dahil konkreto ang babagsakan.
Nagsisisi naman ang lolo ni Ming Ming kung bakit iniwan ang apo. Hindi na raw niya gagawin iyon.
Ganunman, marami ang namangha sa kagila-gilalas na pangyayari dahil nakaligtas ang bata dahil sa malalapad nitong taynga.