ISA siyang mabait at responsableng ama at asawa pero hindi pala lahat ng mabubuting ama ng tahanan ay pinagkakalooban ng mabuting anak. Ang malas naman niya, dalawang matitigas na ulong anak na lalaki ang ini-assign sa kanya ng tadhana. Ilang dekada siyang nagtrabaho sa ibang bansa ngunit parehong grade six lang ang natapos. Paano, walang kahilig-hilig sa pag-aaral. Summa cum laude lang sa mga bisyo at pag-aasawa ng maaga.
Ang mabait na ama ay may pinagdadaanan ngayon. May matatanggap siyang malaking halaga ng pera mula sa ibinenta niyang property. The first and last property na maaari niyang pagkunan ng capital para sa pinaplano niyang negosyo. Nalaman ng panganay na magbabayad na ang buyer ng property. Sinugod nito ang ama at nag-demand na ibigay sa kanya ang kalahati ng mapagbebentahan. Saan kaya napulot ng anak na ito ang ideyang dapat ay sa kanya ang kalahati? Kahit anong paliwanag ay hindi makuha ng anak ang ibig ipaunawa ng kanyang ama. Nang hindi magkaintindihan ay inaway na lang ng anak ang kanyang ama. Maidadalangin mong tamaan sana ng kidlat habang minumura niya ang ama. Totoong naluluha ang puso ko sa mga ganitong eksena.
Bigla kong naikumpara ang sitwasyon naming mag-iina. Napakasuwerte pala ng aking ina dahil kahit kailan ay hindi namin pinag-interesang makihati sa perang napagbentahan ng kanyang property. Alam naming sa kanya lang iyon. Hindi perpekto ang sinaunang disiplinang iginawad ng aming ina sa aming magkakapatid, in fact, may pagkakataong ito ay nagdulot sa amin ng pisikal at emosyunal na sakit. Magkaganoon pa man ay lumaki kaming maayos ang pag-uugali, may respeto at pagmamahal sa magulang.