TV na puwedeng i-rolyo na parang diyaryo, naimbento

GAGANAPIN sa Las Vegas ang taunang CES Techonology Expo kung saan ibibida ang ilan sa mga pina-kabagong electronic products para sa taong ito. Ang isa sa mga produktong inaasahang magiging tampok ng event na ito ay ang bagong telebisyon mula sa kompanyang LG na puwedeng i-rolyo na parang diyaryo.

Ang bagong imbentong telebisyon na ito ay may 18-inch na screen at kasingkapal lamang nito ang isang papel. Para rin itong papel na puwedeng i-rolyo ngunit hindi pa malinaw kung ano ang magiging praktikal na gamit ng kakaibang katangian na ito. Ang nasabi lang ng kompanyang nag-imbento nito ay tamang-tama ang telebisyon sa mga bahay na walang espasyo para sa malalaking TV. Puwede kasing i-rolyo na lang ang TV at itago kapag hindi na ito ginagamit upang maging maluwag ang sala ng isang bahay.

Inaasahan namang magagamit ang bagong tuklas na teknolohiyang ginamit sa paggawa ng kakaibang telebisyon na ito sa paggawa ng iba pang electronics katulad ng smartphones at ng mga screens sa loob ng mga sasakyan.

Bukod sa TV na puwedeng i-rolyo ay tampok din sa CES ang isang dambuhalang 55-inch na TV na kasingkapal lang ng isang pirasong papel at isang 65-inch TV na lubhang nakakurba. Hindi pa ibebenta sa publiko ang mga kakaibang TV na ito sa taon na ito at ang iba pa nga ay marahil na hindi na tuluyang ipagbenta kahit kailan. Itinatampok lang kasi sa CES ang mga ito upang ipakita sa mga dumadalo ang mga ba­gong tuklas na teknolohiya na ma­aring gamitin sa mga produktong ibenebenta sa pub­­liko.

Show comments