MADALAS nating pinaiiral na walang lamangan pagdating sa pagkain, sa mga gamit at pati na rin sa mga ari-arian. Maski hindi nga natin kamag-anak naging bukang bibig na ang mga salitang “hating kapatid tayo diyan a”. “Maayos akong nakikipag-usap pero bigla na lang akong pinagsisigawan,” pahayag ni Hilaria. Minsan na daw ibinigay ng ama ni Hilaria Alcantara, 66 taong gulang, nakatira sa Angono, Rizal ang titulo ng lupa na may lawak na 375 sqm ngunit hindi niya ito tinanggap.
“Magkapatid ang nanay naming ni Gertrudes at iisa ang tatay. Sila ang unang pamilya kaya naisip ko na bilang respeto sa kapatid ko sinabihan ko si Papa na kay Ate Gertrudes na lang ibigay ang titulo,” wika ni Hilaria. Mula nang mamatay ang kanyang tiyahin na unang asawa ng ama ang nanay niyang si Adoracion na ang nag-alaga dito nang magkasakit. Nagpakasal ang mga ito dalawa ang naging anak, si Hilaria at Ella habang dalawa naman ang anak nito sa una na sina Gertrudes at Tomasa. Taong 1979 nang mamatay ang kanyang ama at nung 1986 naman ang kanyang ina. Nang magpunta si Hilaria sa Rizal matagal na silang hindi nagkasama ng kapatid at tanging sa sulat na lamang sila nagkakausap. Dagdag pa niya may lupa silang naisanla nuon at nagpapadala siya ng pera kay Gertrudes upang matubos ito. Naitago niya pa daw ang mga sulat ng kapatid sa kanya na humihingi ng pantubos. Nalaman na may sakit ang kapatid na si Gertrudes kaya nag-ipon si Hilaria ng sapat na pamasahe pauwi ng Antique. “Naging malilimutin na ang kapatid ko. Hindi niya na ako kilala. May mga bagay siyang nakakalimutan kaya’t hindi ko siya makausap tungkol sa naisanlang lupa,” pahayag ni Hilaria.
Hiniling din ni Hilaria na magkausap sila ni Tomasa kung paano nila aayusin ang pagkakahati-hati ng kanilang mana gayung patay na ang kanilang mga magulang. “Wala kang parte dito! Wala kang makukuha kahit singko!” sabi umano sa kanya ni Tomasa. “Inisip ko bakit wala akong parte dahil sa malayo ako? Dapat pantay-pantay kami sa mana,” wika ni Hilaria. Naghalungkat ng ebidensiya si Hilaria sa gamit ng kanyang kapatid para malaman kung kanino pa nakapangalan ang kanilang lupa. Sa isang bag ng kapatid na si Gertrudes nakita niya ang blangkong ‘deed of sale’. Nang makita niya ito nasiguro niyang pinaplano ng mga ito na ibenta ang lupa. Hindi naman daw gagawa ng ganitong uri ng dokumento ang kapatid ng walang dahilan. Ipinakita niya ito sa kanyang kapatid na si Tomasa at tinanong kung para saan ang dokumentong yun.
“Nagalit siya sa ‘kin. Ano daw ang gusto ko. Sinagot ko siya na ang bahagi ko lang naman ang kukunin ko sa kanila,” salaysay ni Hilaria. Ang kanyang kapatid na si Gertrudes na hindi na siya gaanong nakikilala ay namatay noong Setyembre 1, 2014. Wala itong asawa’t anak. Maging ang kanyang kapatid na si Ella ay namatay na din. Dalawa na lang silang buhay ngayon. “Ang sakit-sakit na basta ka na lang nila tatanggalan ng karapatan sa mamanahin mo sa magulang ninyo. 375 sqm lang naman ang lupa. Yung ibang mana mula sa Lola namin inangkin na nga nila ngayon pati ba naman ang galing kay papa?” pahayag ni Hilaria. May sinasabi pa daw na kasunduan si Tomasa na kung sakaling mamatay si Gertrudes ay sa apo sa pamangkin mapupunta ang lupa. Giit ni Hilaria wala na ba siyang karapatang maghabol sa lupa na naiwan ng kanyang mga magulang. Hindi din daw alam ni Hilaria kung bakit biglang nailipat sa pangalan ni Gertrudes ang titulo. Sa pagkakaalala niya sa tatay nila ito nakapangalan. Nais malaman ni Hilaria ang maaari niyang gawing hakbang upang mabawi ang parteng nararapat sa kanya. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Hilaria.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung sakali ngang nakapangalan na kay Gertrudes ang titulo kailangan niyang beripikahin mula sa ‘Register of Deeds’ kung paano naipangalan kay Gertrudes. Kung ito ay nabili niya sa inyong ama may ‘deed of sale’ dapat yan. Alamin mo din kung kailan ginawa ang deed of sale. Kapag ito naman ay ipinamana sa kanya dapat ay may ‘last will and testament’ siyang pinanghahawakan bilang katunayan na sa kanya lamang ito inihahabilin. Dapat idaan ito sa isang ‘Probate Proceedings’ sa korte kung ito nga ay balido o hindi. Matapos nun kailangan din mailathala ang dokumentong ito ng tatlong sunud-sunod na linggo sa isang pahayagan na nababasa sa buong bansa (of national circulation). Hindi pwedeng basta ka na lang tanggalan ng karapatan ng mga kapatid mo sa mana mo sa inyong ama. Ang dapat diyan magkaroon kayong apat na magkakapatid ng ‘Extra Judicial Settlement with partition’. Walang anak na naiwan si Gertrudes at dahil sa namatay na ito kayong tatlo na lamang ang naiwan. Ang mga anak naman ng kapatid mong si Ella ang may karapatang kumuha ng parte ng kanilang ina.
Dapat maghain din kayo ng ‘nullification of title’ o ipawalang bisa ang titulo sa Prosecutor’s Office at habang ito’y iniimbestigahan magbigay kayo ng kopya sa Register of Deeds para matatakan ng ‘Lis Pendens’ o katunayan na may paghahabol na nanggyayari sa lupa.
Upang lubos silang matulungan, ini-refer namin sila sa Land Registration Authority (LRA) kung saan may ‘legal department’ sila na maaaring gumabay sa kanila at hiniling namin ito kay Administrator Eulalio Diaz III ng LRA.
Kami’y naniniwala na maaayos din ito dahil kung hindi pare-pareho niyong hindi mapapakinabangan ang lupa. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.