NAKIKILALA ngayon ang isang barbero sa Vietnam dahil sa kanyang kakaibang gamit upang makapanggupit ng buhok.
Sa halip kasi na gunting ang gamitin ng barberong si Nguyen Hoang Hung, isang samurai ang ipinangpuputol niya ng buhok sa kanyang mga customer.
Ayon kay Hung, nagsimula ang kanyang kakaibang paraan ng paggupit apat na taon na ang nakakaraan nang sumali siya sa isang game show sa telebisyon kung saan kinailangan niyang gumupit ng buhok ng hindi gumagamit ng gunting. Lagari ang kanyang ginamit noon.
Nagustuhan niya ang paggamit niya ng lagari kaya naisip niyang mag-isip pa ng iba pang mas kakaibang gamit na maari niyang ipanggupit ng buhok. Sa huli ay napili niyang gamitin ang Wakizashi, isang uri ng espadang gamit ng mga Samurai noon sa Japan kapag nakikipaglaban.
Noong una, ginagamit lang niyang panggupit ang samurai sa mga exhibition ngunit nang lumaon, parami na nang parami sa kanyang mga customer ang humihiling na sila ay gupitan gamit ang kanyang espada. Sinunod naman ni Huang ang hiling ng kanyang mga parukyano kaya ngayon ay laging samurai na ang kanyang gamit sa paggugupit.