TAHIMIK na nagmamaneho si Julio ng taksi patungo sa pinakamalapit na ospital. May sakay siyang limang taong gulang na bata, si Timothy at matandang nahihilo, si Lola Minyang. Ito ang isusugod niya sa ospital.
“Si Jesus po ba kayo?” tanong ni Timothy.
“Jesus? Sinong Jesus?”
“Ay… hindi pa niya kilala si Jesus…” sabay takip ng bibig gamit ang maliit nitong kamay. Parang pinipigil ang pagtawa. Luminga-linga. Nahagip ng paningin ang Sacred Heart of Jesus na nakasabit sa unahan ng taksing minamaneho ni Julio. Itinuro ng bata ang larawan ng SHJ. “Siya po si Jesus!”
Natawa si Julio. “Hindi ako si Jesus. Ako si Julio, matagal na kaming magkapitbahay ng lola mo. Bakit mo naitanong.”
“Kasi po habang nahihilo si Lola, nag-pray siya – Jesus please tulungan mo akong makapunta sa ospital. Tapos po, bigla kang dumating…”
Napangiti si Julio at napagkamalan siyang Jesus ng bata. Nasa Caloocan ang bahay ni Lola Minyang. Ang pamilya ni Timothy ay nasa Quezon City kaya hindi nito kilala si Julio. Inihabilin sandali si Timothy sa kanyang Lola dahil may emergency lang aasikasuhin ang mommy nito. Habang inaalagaan ng matanda ang apo ay bigla itong nakaramdam ng pagkahilo. Walang makontak na anak si Lola Minyang. Kaya nagdasal na lang ito. Tamang-tama naman na naisipan ni Julio na magtanghalian sa kanilang bahay dahil may inihatid siyang pasahero malapit lang sa kanilang lugar. Hayun, natiyempuhan siya ni Lola Minyang na hilong-hilo na nang mga sandaling iyon.
Matapos tsek-apin at bigyan ng gamot ay pinauwi na si Lola Minyang ng doktor. Pagdating sa bahay ay iniabot ni Lola Minyang kay Julio ang bayad sa taksi. Ngunit tumanggi ang kapitbahay. Nakatingin sa kanila si Timothy.
“Susmaryosep, lugi ka niyan… ilang oras kitang inabala sa iyong pamamasada.”
“Wala ho ’yun. Ang importante ay walang nangyaring masama sa iyo. At saka…(tumingin kay Timothy)…hindi naniningil na pamasahe si Jesus. Di ba Timothy?”
Lumapit si Julio kay Timothy at nag-“apir” or “give me five” ang dalawa.
Nakatulong nang malaki kay Julio na napagkamalan siyang si Jesus ni Timothy. Tinanggal na niya ang kanyang bad attitude sa mga pasahero. Pinanindigan na niya ang pagiging Jesus, sa isip, sa wika at sa gawa.