TALAMAK na ang problema sa illegal na droga sa bansa. Hindi lamang sa lungsod maraming addict kundi pati sa mga liblib na lugar. Mas nauna pang nakarating ang drug pusher kaysa kuryente, kalsada at iba pang serbisyo ng pamahalaan. Sa isang iglap, marami na agad halimaw sa liblib. Dapat mamulat ang pamahalaan sa problema sa illegal na droga.
Matindi ang epekto sa kabataan kapag nalulong sa shabu sapagkat napapariwara na. Wala nang nakikilala at sarado na ang utak ng mga kabataan kapag nalulong sa shabu. Pumapatay sila. Katulad nang ginawa ng isang 15-anyos na lalaki na pinagsasaksak hanggang mapatay ang kanyang tiyahin sa Quezon City. Natagpuan ang bangkay ng babae na maraming saksak at sa di-kalayuan ay nakaupo naman ang suspek. May sugat sa kamay ang suspek. Akala ng mga pulis, pinasok ng mga magnanakaw ang bahay ng biktima at pinagsasaksak ang babae at pamangkin. Nang mag-imbestiga, nalaman na ang pamangkin pala ang sumaksak at nakapatay sa tiyahin. Ayon sa suspek, sinaksak niya ang tiyahin sapagkat pinagbawalan siyang maglaro ng video karera. Ayon sa mga pulis, gumagamit ng shabu ang suspek habang nagbi-video karera.
Bangag din ang isang ama na hinostage ang anak na sanggol at umakyat sa footbridge sa Commonwealth Ave. at saka tumalon. Bumagsak sa kalsada ang bangag pero nabuhay. Patay naman ang anak. Umano’y nagha-hallucinate ang ama at may humahabol kaya tumalon.
Kung magkakaroon ng puspusang kampanya ang PNP laban sa sindikato ng illegal na droga, babagsak ang mga ito. Tiyak na malilipol at maililigtas ang mga kabataan sa pagkalulong. Kailangan lamang ay ang matinding pagmamanman sa mga sindikato.
Kagaya ng ginagawa ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na sunud-sunod ang pagkakalambat sa mga nagtutulak ng shabu. Sa loob lamang ng apat na araw, anim na bigtime pushers ang nahuli ng QCPD. Nararapat purihin ang QCPD sa ginagawa nilang pagsisikap. Ganito rin sana ang gawin ng iba pang police district sa Metro Manila. Pagtulungang durugin ang mga salot na drug syndicate.