Manong Wen (76)

BAKA may nangyari kay Precious? Iyon ang unang naisip ni Princess. Malapit lang ang tindahan pero bakit wala pa hanggang ngayon. Mula nang sundan ito ni Chester ay lagi nang nag-aalala si Princess sa kapatid. Kung maari, ayaw niyang mapapahiwalay sa kanyang mga mata. Walang laban si Precious sa hayup na si Chester.

Nang hindi pa dumating ay ipinasya na ni Princess na sundan si Precious. Baka kung ano na ang nangyari. Baka naghihuntay siya ay mayroon na palang nangyayari kay Precious.

Lumabas siya ng bahay. Pero bago ganap na lumabas sa gate, ay pinagmasdan muna niya ang kapaligiran at baka may taong nakasubaybay sa kanya. Nang matiyak na wala ay nagmamadaling tinungo ang tindahan sa kanto. Nag-iisa ang tindahan kaya doon lang maaaring nagpunta si Precious para bumili ng shampoo.

Pero bago siya nakarating sa tindahan ay may sumutsot sa kanya.

Nang lingunin niya ay walang iba kundi si Precious. May hawak na libro at shampoo sa plastic na supot.

“Diyos ko naman, saan ka ba nagpunta? Alalang-alala ako sa’yo!” sabi niya habang lumalapit kay Precious.

“Nakita ko ang kaklase ko at humiram ako ng libro. Nagpunta pa kami sa bahay nila.’’

“Paano kung nasundan ka ni Chester?”

“Nag-iingat ako Ate.’’

“Halika na sa bahay. Baka may nagmamatyag sa atin.’’

Nang makabalik sa bahay ay agad na sinara ni Princess ang pintuan.

“Kinabahan na ako kanina. Akala ko may nangyari na naman sa’yo.’’

“Kailangan ko kasing makapag-research kaya humiram ako ng libro. Di ba hindi ako nakapasok nung isang araw dahil natakot ako sa Chester na iyon. Kailangan kong makagawa ng report mula sa libro.’’

Napatangu-tango na lang si Princess.

“Siyanga pala Ate, nakontak mo na ba si Mang Jo?’’

“Hindi. Palagay ko hindi na tayo pupuntahan nun. Baka nag-asawa na o mayroong pinagkakaabalahan. Huwag ka nang umasa na pupunta pa siya rito.’’

Nalungkot si Precious.

“Basta tayong dalawa na lamang ang magtutulungan. Hindi kita pababayaaan na may mangyari. Gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka laban kay Chester.’’

(Itutuloy)

Show comments