ISANG pari sa St. Paul’s Lutheran Church sa Canada ang tinaguriang pinakamalakas na pari sa buong mundo dahil sa kanyang kamangha-manghang lakas sa pagbuhat ng mga mabibigat na bagay.
Sa kabila na siya ay 51-anyos na, nagsasanay pa rin si Rev. Kevin Fast ng powerlifting kaya naman marami siyang hawak na world records mula sa Guinness.
Nagawa na niyang hilahin ang isang buong eroplano na may bigat na 189 tonelada. Mayroon din siyang world record nang hilahin ang isang truck gamit ang isa niyang braso. Nagawa na rin niyang humila ng isang truck ng bumbero sa layong 100 talampakan.
Bukod sa paghila ng mga mabibigat na sasakyan, nagawa na rin ni Rev. Kevin na magbuhat ng 22 kababaihan sa kanyang likuran. Upang maisagawa niya ang kakaibang world record na ito ay pinatayo niya ang 22 kababaihan sa isang plataporma na siya niyang binuhat sa kanyang likuran.
Sa kabila nang world records na kanyang nakamit, hindi naman kinakalimutan ni Rev. Kevin ang kanyang mga responsibilidad bilang pari. Katulad ng isang pangkaraniwang pari, nagkakasal at nagbibinyag din siya ng mga kasapi ng kanyang simbahan.