SINUMAN sa mga naninilbihan sa mga pribadong tanggapan lalo na sa gobyerno, napakahalagang makamtan ang tiwala mula sa kanilang mga pinamumunuan.
Hindi ito ipinagkakaloob. Ang tiwala ay nakakamtan base sa nakikita nilang aksyon at desisyon ng nakaupo.
Anuman ang kanilang nakikita, tumpak man o palpak sa kanilang mga ipinaggagawa ang siyang magiging basehan ng kanilang persepsyon, respeto at tiwala.
Marami ang mga nalilito at nagtataka sa pananahimik ni Pangulong Benigno Aquino hinggil sa mga naglalabasang isyu partikular ang sentro ngayon ng kontrobersiya, ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Bagamat nagbigay na ng pahayag ang Korte Suprema na unconstitutional o ilegal ang DAP, nag-aapela pa rin ang Palasyo sa deklarasyon ng kataas-taasang Hukuman.
Sinasabi nila na bagamat maaaring mali ang pamamaraan ng pangangalap nila ng pondo, taumbayan naman daw ang nakinabang sa bilyones na naipamudmud nila sa ilang mga senador.
Paulit-ulit at halos araw-araw ko ng sinasabi sa aking programang BITAG Live na anumang wala sa Konstitusyon o Saligang Batas ay maituturing ilegal. Wala sa Saligang Batas ang DAP na ginawa ni Budget Secretary Butch Abad.
Sa halip na tanggapin nalang ng administrasyon ang kanilang pagkakamali, humingi ng paumanhin sa publiko, umaapela pa sila ngayon sa Korte Suprema na huwag tuluyang ideklang ilegal ang ilan pang probisyon ng DAP.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma nitong nakaraang araw na hindi makikialam ang Palasyo at tanging na kay Abad lang ang desisyon kung mananatili o magbibitiw siya sa pwesto.
Pero para sa BITAG Live, kung talagang matalino si Abad, isasalba niya ang pangulo at kusang-loob na itong magbitiw sa kaniyang posisyon.
Sa ating pamahalaan, kapag nagkamali ang isang gabinete, hindi dapat ipagtanggol ng Malakanyang. Dahil ang pagkakamali, sinasadya man o hindi ay may katumbas na pananagutan.
Ito ang hinihintay ni Juan at Juana Dela Cruz sa isyu ng DAP. Kung sino ang dapat panagutin sa pagbastardo at paglustay sa kaban ng bayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.