MATAPOS ang pagpapatupad ng mataas na multa sa mga kolorum na pampublikong sasakyan at iba pang traffic violations, ihihirit na raw ng MMDA ang mas mabigat na multa naman sa jaywalking.
Mukhang may punto naman dito si MMDA chairman Francis Tolentino dahil maraming sangkot sa aksidente sa kalsada ay pedes-trians na walang disiplina.
Batay sa datos ng MMDA mula 2010 hanggang 2012, aabot sa 15,500 ang naaksidenteng pedestrians at 495 dito ang namatay.
Kung ganito karami ang namamatay, makabubuting hig-pitan nga ng gobyerno ang batas sa jaywalking.
Sa ngayon kasi, napakarami nang inilagay ng foot bridges at iba pang daanan ng mga pedestrians pero marami pa rin ang pilit na tumatawid sa maling tawiran kahit pa ito ay delikado sa kanilang buhay.
Ayon sa MMDA, batay sa inaprubahang resoluyon ng mga local na pamahalaan, itinaas na ang multa sa P150 tungo sa P200 o kung walang pera ay oobligahing dumalo ng 30 minutong seminar sa disaster response and assistance.
Bilang isang pribadong motorist, totoo naman na maraming pedestrians ang walang disiplina sa kalsada at kitang-kita naman na pinaiiral ang katamaran at ayaw umakyat sa foot bridge kapag tatawid.
Bukod dito dapat ay higpitan din ng mga otoridad ang mga bumababa at sumasakay na pasahero lalo na kapag rush hour.Halos pumagitna na ang mga ito sa kalsada dahil sinasalubong ang bus o jeepney na nais sakyan.
Pag-aralan ding mabuti ng gobyerno kung papaano naman ang magiging kalagayan ng mga taong may kapansanan dahil sa foot bridge ay malabong makaakyat ang mga ito.
Malabo namang maglagay ng elevator ang MMDA sa foot bridges dahil sa kawalan ng pondo at sa katunayan sa MRT at LRT lamang ay hindi na nga namamantini nang maayos ang elevator at escalator para sa mga pasahero.
Tila likas na talaga sa mga Pilipino na kailangang gamitan ng “kamay na bakal†upang mapasunod sa batas o panuntunan tulad sa pagtataas ng multa o iba pang parusa.
Pero sana ay ipatupad ito nang mahigpit at huwag ningas-kugon lang upang magtuloy-tuloy na ang pagdisiplina sa publiko na siya namang makatutulong sa pag-unlad ng ating bansa.