EDITORYAL - Kulang pa rin sa classrooms

PROBLEMA pa rin ang kakapusan ng silid-aralan sa public school. Nakita na naman ang matagal nang problema noong Lunes na umpisa ng school year. Nakita na naman ang mga mag-aaral na nasa koridor ng school at doon nagkaklase.

Matagal na ang problemang ito na hindi kayang solusyunan ng mga namuno at kasalukuyang namumuno sa bansang ito. Sa kabila na ang Department of Education (DepEd) ay isa sa may pinakamalaking budget, hindi makapagpagawa ng mga school na may sapat na silid-aralan. Isang malaking katanungan kung bakit sa tuwing pasukan ay problema ang silid-aralan.

Ang budget ng DepEd ngayong 2014 ay P335.4 billion. Ayon sa report, malaki ang allocation ng DepEd sapagkat magpapagawa ng mga bagong school. Magha-hire din ng mga bagong guro. Magpapagawa ng mga libraries, comfort room at iba pang pasilidad.

Maraming magulang ang umasa na maisasaayos na ang kakulangan sa silid-aralan ngayong school year. Maraming nag-imagine na hindi na mahihirapan ang kanilang anak sapagkat magkakaroon na nang silid aralan na may sapat na silya, blackboard at erasers at mayroon ding comfort room.

Pero noong Lunes, nakita na naman ang problema. Kapos sa classrooms. Walang katotohanan na ang ma­laking allocation ng budget ay nagamit  para makapaggawa ng mga school. Maraming mag-aaral ang natuliro sa kakapusan ng classroom. Kailan matatapos ang problemang ito?

Show comments