NAUUSO ngayon na kapag may isang nasangkot sa katiwalian, makikipag-deal sa pamahalaan na isasauli ang bahagi ng dinambong pero ang kapalit ay gawin siyang state witness. Isang paraan para makalibre sa pag-uusig at lalabas pang malinis. Nagsauli nga naman ng nakamal at magiging testigo pa laban sa iba pang inaakusahan. Kung ganito ang laging mangyayari, marami pang gagawa ng katiwalian sa pamahalaan. Madali lang magsauli ng bahagi ng nakawat at matatanggap na sa Witness Protection Program.
Noong nakaraang linggo, nagsauli si Ruby Tuason, ng P40 milyon noong Biyernes at iglap ay nagkaroon siya ng immunity. Si Tuason ay isa sa mga sangkot sa pork barrel scam. Ang P40 milyon na isinauli ay kickback umano ni Tuason sa scam na ang nagmaniobra ay si Janet Lim Napoles. Nang magbalik mula sa US si Tuason noong Disyembre 2013, idiniin niya sina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada sa pork barrel scam. Ayon kay Tuason, siya ang nagdidiliber ng pera kay Jinggoy at sa staff ni Enrile. Ayon kay Tuason, nakonsensiya siya kaya nagsalita.
Pero ang nakapagtataka, kapiranggot lang ang isinauli ni Tuason. Umano’y nasa P242 million ang nakamal na komisyon ni Tuason sa pork barrel scam. Nasaan pa ang mahigit na P200 milyon na kanyang nakamal. Ang perang iyon ay pag-aari ng mamamayang Pilipino. Nagmula sa pinagsama-samang buwis ng mamamayan. Nararapat isauli iyon ni Tuason at saka lamang siya gawing state witness. Dapat din namang linawin na ang pagsasauli niya ng P40 milyon ay hindi kasama sa kinasasangkutan niyang Malampaya scam.
Kung tapat si Tuason at nakonsensiya kaya lumutang, ibalik lahat nang nakamal at sabihin ang lahat nang totoo. Maraming matutuwa kung ganito ang gagawin niya.