Gimik ng MPD director

NAGTIKLUPAN ang mga pasugalan sa Maynila nitong nagdaang araw dahil sa malawakang raid na iniutos ni MPD director Chief Supt. Rolly Asuncion. Si Asuncion na kaya ang hulog ng langit para mabigyan ng katuparan ang pangako ni Mayor Erap Estrada na ipasara niya ang pasugalan sa Maynila? Sana magtagumpay ang adhikain niya. Subalit nagtaas ng kilay ang mga kosa ko sa MPD at sinabi nilang pampataas lang ng tara ang postura ng mga bataan ni Asuncion. Ang ibig sabihin ng mga kosa ko, gusto lang ni Asuncion na isagad ang pitsa na dumarating sa bulsa niya. Kaya sa ngayon, gerilya ang operation ng mga gambling lords dahil hindi naman tuluyang magsasara ang mga ‘yan. “Wait and see” lang ang attitude nila sa pakana ni Asuncion. Kung sabagay, hindi na bago itong modus operandi ni Asuncion dahil ginagamit din ito ng mga opisyales ng PNP na gahaman sa pitsa, di ba mga kosa? Kaya matyagan natin kung ano ang kalalabasan nitong gimik ni Asuncion kung seryoso ba talaga siya sa kampanya laban sa pasugalan o pampataas lang ito ng lingguhang intelihensiya! Mismo!

Sinabi ng mga kosa ko na ang raid na isinagawa ni Asuncion ay sinabayan ng mga tauhan nina retired Gen. Berto Calinisan ng City Hall at Vice Mayor Isko Moreno. Kaya medyo hilong-talilong sa ngayon ang gambling lords sa Maynila dahil hindi nila alam kung ano ba talaga ang gustong palabasin ng mga bataan ni Erap. Sa tingin kasi ng mga gambling lords sa Maynila, hindi naman pang-national ang mga aksiyon nina Asuncion, Calinisan at Moreno dahil wala namang kaliwa’t kanang raid sa ibang lugar ng Metro Manila. ‘Ika nga bakit nagsagawa pa ng raid ang mga tropa ng tatlo eh nabaon na sa limot ng PNP ang “no take” policy ni DILG Sec. Mar Roxas? Hehehe! Marami talagang gustong maging milyonaryo sa Maynila. Tiyak ‘yun! Anong say ni Mayor Erap dito?

Lumabas naman sa sunud-sunod na raid na isinagawa ng tropa nina Asuncion, Calinisan at Moreno na ang pinakamalakas na gambling lord sa ngayon sa Maynila ay si SPO2 Gener “Paknoy” Presnedi. Kasi nga NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria Sir, ang lahat ng huli ay natuluyan sa korte subalit ang kay Presnedi ay pinakawalan. Sinabi ng mga kosa ko Gen. Valmoria Sir na may isang lalaki na nagpakilalang siya si City Hall administrator Simeon Garcia ang tumawag sa lahat ng unit na may huli ng tauhan ni Presnedi at presto....binitiwan ang mga huli nga. Imbes na investors ang hikayatin niyang pumasok sa Maynila, eh sa pasugalan naiatang ni Garcia ang kanyang isipan? Nais din kayang sumawsaw ni Garcia sa pasugalan? Anong say kaya ni Garcia sa mga katanungan na ito? At dahil sa protection ni Garcia tuloy ang operation ni Presnedi, hindi lang ang bookies ng karera kundi maging ang sakla na nilinya na niya.

Kung noong Presidente pa siya, nasira si Mayor Erap ng mga taong nakapaligid sa kanya kaya nakasuhan siya ng plunder at nakulong pa. Ngayon, ang mga tao niya sa City Hall ay dahan-dahang ding inaanay siya. Walang kadala-dala! Abangan!

 

Show comments