HABANG bitbit ni Mulong ang sako na may lamang cobra ay nag-iisip siya. Kayanin kaya ni Dick na inumin ang dugo ng cobra? Kung siya ang tatanu-ngin kung kayang uminom ng dugo ng cobra, hindi niya kaya! Kung ang pag-inom nga ng gamot para sa ubo ay nasusuka siya, dugo pa kaya ng cobra. At bukod doon, paano nakasisiguro na walang kamandag ang dugo ng cobra. Baka pagkatapos inumin ang dugo ay bigla na lang mangisay at matigok ang uminom. Pero sabi ni Tandang Atong, maraming beses na siyang nakainom ng dugo ng cobra at walang nangyari sa kanya. Buhay na buhay at napakalakas ng matanda na sa tantiya niya ay mga 70 anyos na. Napakaliksi pa kung manghuli ng cobra. At hindi lang basta cobra ang hinuhuli --- kundi mababangis na cobra ay ng dala niya sa sako.
Hindi naman niya mapagbawalan si Dick sa balak na pag-inom ng cobra. Kahit pa magkaibigan sila, hindi siya makakapagsalita rito na huwag uminom ng dugo. Baka ikasama ng damdamin. Kaya nang pakiusapan siya na maghanap ng humuhuli ng cobra, wala na siyang sinabi pa. Tumalima na lamang siya. Isa pa, talagang desperado na si Dick na malunasan ang problema sa pagkalalaki. Lahat nang posibleng gamot na maaaring makapagpabalik sa sigla ng pagkalalaki ay sinusubukan. Bakit kaya nagkaroon ng problema sa pagkalalaki si Dick ? Iyon ang tanong ni Mulong habang pabalik sa bahay.
NASA itikan si Dick nang dumating si Mulong.
‘‘Narito na ang cobra, Mulong. Napakahusay pala ng matandang nanghuhuli kaya pala Atong Cobra ang tawag.’’
“Salamat, Mulong. Paano mo kukunin ang dugo?’’
“Tinuruan na ako ni Tandang Atong.’’
‘‘Mag-ingat ka, Mulong. Baka ka matuklaw.’’
“Sige, Dick. Doon ko sa likod ng bahay, papatayin ito at kukunin ang dugo. Dadalhin ko ang dugo sa iyo.’’
“Sige Mulong. Salamat uli.’’ (Itutuloy)