‘Seaman sumisid sa biyuda’

BALUT… pampatibay ng tuhod at Indian Mango na nakaka­ngasim ang bitbit na mga pasalubong ni ‘Onald’ para kay ‘Ana’. Ganito napasagot ni Ronaldo Miranda o “Onald”, 41 anyos ang biyudang si Annabelle “Ana” Jagunap, 39 anyos… napa-ibig niya itong muli. Sa edad na 26 namatay ang asawa ni Ana na si “Ricky” matapos atakihin sa puso. Dalawa ang kanilang naging anak. Mag-isang binuhay ni Ana ang mga ito.  â€œBinalak kong umalis ng bansa pero sa pagiging ‘lady guard’ ako nauwi,” pahayag ni Ana. Sa AGB Security Agency siya unang pumasok---taong 2001. Dito niya nakilala si Onald, Security-In-Charge ng ahensya. Parehong nadestino sina Ana at Onald sa Fiber Industry Development Authority (FIDA) sa Delta, Quezon City. Sa ‘information’ pinoste si Ana habang si Onald, rumuronda naman. Kapag 3:00PM-11PM ang duty niya pinapasalubungan siya ni Onald ng balut at Indian Mango na kanilang tanim. Naging mabilis si Onald sa pagporma kay Ana. “Kung sasagutin mo ko kaya kitang buhayin,” diretsong sabi daw nito. Binata ang pakilala ni Onald kay Ana kaya naman nung una nagdalawang isip siyang sagutin ito. “Biyuda ako, dalawa na anak ko,” sabi niya. “Kapag nakaluwag ako, natuloy ako sa pagsampa sa barko… ako bahala sa mga anak mo,” wika  naman ni Onald. Sa mga pangakong ito ni Onald napasagot si Ana. Sinabi ni Onald na may ‘application’ siya sa barko. Bilang taga-tanggal ng kalawang sa makina. Handa naman si Ana na makipagrelasyon sa ‘seaman’ kaya’t naging sila agad. Naging mainit ang relasyon nila. Enero 2002, nabuntis si Ana. Tumuloy siya sa kapatid na si Emily sa Q.C. Hindi naging madali ang pagbubuntis ni Ana dahil ‘di maganda ang patanggap ng kanyang pamilya, maging pamilya ni Onald.

“Siyempre ang gusto ng nanay niyang si ‘Odang’ dalaga ‘di biyuda. Tuwing tinatawagan ko si Onald babagsakan niya ko ng telepono,” ani Ana. Mag-isang nangupahan si Ana sa Q.C. Hindi rin siya sinustentuhan ni Onald maliban sa Php1,000 at Php700 inabot daw nito habang siya’y buntis. Ika-13 ng Setyembre 2002, 3:00AM humilab ang kanyang tiyan. Walang tigil ang kirot kaya’t binalot na niya ang ilan niyang damit at nagtawag ng ‘taxi’. “Dinala ko sarili ko… mag-isa sa East Avenue,” wika ni Ana.Alas-singko ng umaga pinanganak ni Ana ang sanggol na babae. Sinubukan niyang tawagan si Onald subalit hipag nito ang sumagot at sinabing, “Wala na si Onald, dinala na siya sa Isla… sa Pulilan.”  Galit ang naramdaman ni Ana. Sa sobrang inis niya, inilagay niya sa form ng ospital na: Father: “Unknown”. Nun pa lang tinanong na siya kung bakit di  na lang hayaang blanko. Nagmatigas siya, “Unknown na lang po ilagay niyo!” Tatlong araw din namalagi sa ospital si Ana. Halos wala siyang makain dahil wala siya ni isang dalaw. Hindi naman siya natiis ng kapatid na si Mercy at ng malamang nanganak na siya sinundo rin siya sa ospital. Labing-limang araw pa lang mula ng manganak pilit siyang bumalik sa pagiging lady guard. “Iniiwan ko lang sa kapitbahay ang anak ko. Binibigyan ko ng 50 pesos yung nag-aalaga araw-araw,” pag-alala ni Ana. Dalawang buwan ganito ang sitwasyon ni Ana. Isang araw, tumawag itong si Onald…lasing na lasing, “Patawarin mo ko. Gulong-gulo ako. Pinalayas pa ako ni Nanay dahil nawalan ako ng trabaho,” umiiyak daw niyang sabi. Pinatawad ni Ana si Onald. Nagsama silang muli. Tumuloy si Onald kung saan nagbo-board si Ana. Dinala naman nila ang kanilang anak sa bahay ng biyenan sa Valenzuela City. “Hindi tanggap ni Odang ang anak namin. Bakit pa daw dinala dun,” ayon kay Ana.  Naging mabait naman ang lolo ng bata na si “Enrico”. Nanatili dun ang kanilang anak hanggang makasampa ng barko sa unang pagkakataon si Onald. Limang taon ang kanilang anak ng mamatay si Enrico. Dito na daw nagkaproblema si Ana. Kwento niya, kung dati nailalabas niya ang anak, mula ng mawala si Enrico umiiwas ito sa kanya. “Mama, wag daw ako sumama sa’yo kasi wala kang pera… Baka ihulog mo daw ako sa dagat,” sabi umano minsan ng anak.

Ang insidenteng ito ang nagtulak kay Ana na sapilitang kunin ang bata. Dinala niya ito sa inang si “Aida” sa Bacolod at tuluyang nilayo kina Onald. Mula nun ‘di na daw nagsuporta si Onald sa kanyang anak. Ang ginawa ni Ana, nagpunta siya ng Doha, Qatar bilang Domestic Helper (DH). “Ang akala ko kakayanin ko mag-isa pero malaki na anak namin kailangan ko ng katulong sa gastusin,” wika ni Ana. Nung nakaraan taon, pagbaba ni Onald sa barko, ipinasyal nito ang kanilang anak, binilhan ng damit, sapatos at laruan, maliban dito wala na daw itong natanggap. Taong 2007, nagharap na sa barangay ang dalawa at nagkasundo na magbibigay si Onald ng halagang Php5,000 kada buwan. Nag-iwan ito ng ATM subalit Php1,500-2,000 lang daw ang nakukuha nila. Anim na buwan lang daw tumagal ang kanyang pagbibigay. Ito ang dahilan ng pagpunta ni Ana sa amin.

Itinampok namin si Ana CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, kinapanayam namin sa radyo si Onald. Sinabi ni Onald na nagpapadala siya ng pera sa mag-ina--100 dollars. Tinanggi ito ni Ana at sinabing 1,5K lang kanyang natatanggap at sa loob lang ito ng anim na buwan. “Kung gipit siya, sinabi na namin sa kanya bigay niya ang bata! Tinago niya kasi sa’min ang anak ko,” sabi ni Onald. Hindi naman tinatanggi ni Onald ang bata. “Di po kami kasal ni Ana pero inaamin ko anak namin yan,” sabi nito. Pinakausap namin mismo kay Onald ang kanilang anak na 10 taon na ngayon. Tinanong namin siya kung kanino niya gusto sumama. Sinabing niya, kay “Mama!” subalit gusto rin  naman daw niya makasama ang kanyang ama. Sinabi ni Onald na bago siya sumampa ng barko mag-uusap sila ni Ana sa aming tanggapan para sa suporta ng bata at karapatan niyang mabisita ito.  SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ilang beses namin sinasabi na sa ganitong uri ng hiwalayan, ang anak ang biktima. Sampung taon na ang anak nila Ana at Onald, pwede na itong mamili kung kanino siya sasama. Ganun pa man may karapatan silang pareho na bisitahin ang kanilang anak (visitation rights). Pinayuhan namin sila na mag-usap muna bago magsampa ng kaso para ‘di na makaladkad pa sa Korte ang bata at maiwasang dumaan sa ma-traumang paglilitis. Kapag patuloy namang ‘di magbigay ng sustento itong si Onald maari siyang sampahan ng kasong RA 9262 (Violence against Women and Children) in rel. to RA 7610 o Child Abuse. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166 (Dahlia), 09213784392 (Carla), 09067578527 (Mig) at 09198972854 (Monique).O tumawag sa 6387285 / 7104038.

Show comments