MALABONG matanggal ang pork barrel ng mga senador, kongresista at maging sa President kahit pa araw-araw magsagawa ng kilos-protesta.
Naninindigan ang Malacañang na kailangang higpitan lang ang sistema upang hindi maabuso at titiyakin na tama ang paggastos.
Pero anuman ang sistema sa pork barrel kahit higpitan likas na matinik na ang mga Pilipino at kaya itong imaniobra.
Sa kasalukuyang sistema, napakahigpit na kung tutuusin dahil ang mga mambabatas ang siyang magrerekomenda o magtuturo ng proyekto at ang implementing agency ang maÂngangasiwa pero nalusutan pa rin at naabuso.
Ngayon ay magrerekomenda pa rin ang mga mambabatas ng kanilang nais na proyekto pero dadaan na sa normal na proseso. Bawal na ang soft project lalo na ang pagbibigay ng pondo sa mga non-government organizations (NGOs).
Batay sa findings ng Commission on Audit (COA), mayroong senador at kongresista na sangkot sa pagmamaniobra ng pork barrel lalo na ang pagkakabigay ng pondo sa mga pekeng NGOs ni Janet Lim-Napoles.
Dapat siyasating mabuti ang mga opisyal ng implementing agency dahil hindi lulusot ang bogus na NGOs kung hindi nila pinahintulutan.
Dapat unang imbestigahan si Agriculture secretary Proseso Alcala, Budget secretary Butch Abad at mga ahensiya na may kinalaman sa transaksiyon at proseso sa paglalabas ng pork barrel.
Sa pagkakataong ito mananagot naman ang mga senador, kongresista at cabinet official na nakinabang sa pork barrel. Sana may makulong na senador, kongresista at Cabinet official upang magsilbing babala sa mga aabuso sa pondo ng bayan.