BANTAY-SARADO dapat ang maliliit na anak. Huwag silang pakakawalan sa paningin sapagkat maaaring may mangyari sa kanila anumang oras. Hindi lamang sila sa mga masasamang tao (kidnaper, rapist, o sira-ulo) nararapat bantayan kundi pati na rin sa mga sitwasyon na maaring maganap habang sila ay naglalaro o kaya’y nasa eskuwelahan. Kapag may nangyari sa mga maliliit na anak, walang ibang masisisi kundi ang kanyang mga magulang. Maaakusahan silang pabaya!
May mga batang ginagahasa at kinikidnap at mayroon pang ninanakawan umano ng mga lamanloob. Pero ang masakit ay ‘yung mawala ang anak at saka matatagpuang patay! Walang kasingsakit ito sa mga magulang. Lalo pa nga at napaka-bata pa ang mga namatay.
Gaya nang nangyari sa dalawang batang lalaki (edad 4 at 3) na natagpuang patay sa isang naka-park na kotse sa Bgy. Wawa, Taguig City noong Martes ng umaga. Naaagnas na ang mga katawan nina Dayne Buenaflor at James Naraga sa hulihang upuan ng Mercedes Benz. Aksidente umanong nakita ang mga biktima makaraang iutos ng may-ari ng sasakyan na linisin ito at hanapin kung ano ang nangangamoy sa loob niyon. Parang may bulok na daga umano. Nang buksan ang kotse, tumambad ang mga biktima.
Nawala umano ang mga bata noong Abril 27, 2013. Ayon sa mga magulang ng bata, hinanap na nila sa lugar na iyon ang kanilang anak subalit wala silang nakita. Kung saan-saan pang probinsiya sila nagtungo para hanapin ang mga bata pero hindi nila nakita. Mayroon pa raw tumawag sa kanila at nangakong tutulong sa paghahanap sa mga bata pero nanloloko lamang pala.
Nasa malapit lamang pala ang mga bata at namatay nang walang kalaban-laban. Ayon sa medico-legal, namatay sa dehydration ang mga bata. Teorya ng mga pulis, hindi nakalabas ang mga ito sa kotse dahil nahirapang buksan ang pinto.
Matinding leksiyon ang nangyaring ito sa mga bata partikular na sa mga magulang. Please, bantayan ang mga anak lalo pa kung ang mga ito ay wala pang muwang. Huwag nang hayaang maulit ang napakasakit na nangyari.