Agham di-prayoridad?

KABILANG pala sa mga panu­kalang-batas na hindi nagawang mapagtibay hanggang sa magsara ang 15h Congress nitong nagdaang linggo ay ang hinggil sa modernisasyon ng weather bureau. Una nang napagtibay noong nakaraang taon ng House of Representatives at sinertipikahang “urgent” ng Malacañang ang House Bill 6546 o “An Act Providing for the Modernization of the Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)” pero hindi ito napagtibay ng Senado hanggang sa magtapos ang sesyon nito.

Nakalulungkot na kaganapan ito lalo pa at nalalapit na ang panahon ng tag-ulan. Kabilang pa naman sa mga probisyon ng panukala ang pagbili ng mga makabagong aparato o instrumento sa pagtataya ng panahon. Kaso, may mga problema pala sa hanay ng mga senador kaya naapektuhan ang bill na ito.  Bale ang mangyayari, ayon na rin sa pahayag ng isang tagapagsalita ng Malacanang, kailangang isampang muli ang naturang bill sa pagbubukas ng 16th Congress kaya maghihintay na naman ng mahabang panahon bago ito maging ganap na batas at maisakatuparan.

Pagkatapos, kapag merong mga malalakas na bagyo at malalaking baha at ibang kalamidad na pumipinsala sa maraming buhay at ari-arian, sinisisi ng ilang mga pulitiko ang PAGASA dahil sa umano’y kabiguan nitong “mahulaan” at mabigyan ng babala ang mamamayan sa  dumarating na mga unos. Tila ang PAGASA ang ginagawang panakip-butas sa kabiguan ng pamahalaan na mapangalagaan ang buhay ng maraming mamamayan sa panahon ng kalamidad. Napakarami na ng kuwento at balita hinggil sa daan-libong mamamayan na nawalan ng tahanan at ibang ari-arian o namatay o nawala sa mga bagyong sumalanta sa ating bansa sa nagdaang mga taon pero parang hindi masyadong tinatablan dito ang ilang mga pulitiko na komportableng nakakatulog sa kanilang mga air conditioned na Palasyo habang nagdurusa sa labas ang mga mamamayang sinasalanta ng kalamidad.

Sabagay, sinasalamin lang dito ang sitwasyon ng siyensiya sa Pilipinas na hindi gaanong nabibigyan ng prayoridad. Kaya duda ako kung maisasakatuparan ang ipinapanawagan ng ilang scientist at astronomer na Pilipino may ilang buwan na ang nakararaan hinggil sa pagtatayo ng Space Academy ng Pilipinas na katumbas ng National Aeronautics and Space Administration ng Amerika. Kung ito ngang PAGASA, hindi mabigyang-prayoridad ng Senado, ang isang Space Academy pa kaya? (Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)

Show comments