H’wag umasa sa suwerte

HAPPY New Year!

Ngayong Bagong Taon ay iba’t ibang tradisyon at kasabihan ang sinunod nang marami: naghanda ng prutas, pagkain at nagsuot ng kulay pulang damit.

Walang masama kung ito man ay gawin ng lahat dahil walang mawawala kung susundin ito dahil baka nga naman maghatid ito ng suwerte sa buhay. Hindi ko sinasabing huwag paniwalaan ang mga tradisyong ito pero ang aking pananaw ay huwag tayong umasa sa mga ganitong susuwertehin tayo. Tayo mismo ang gagawa ng ating suwerte upang maging matagumpay ang ating pamumuhay.

Ang pagiging suwerte ng isang tao ay hindi lang dahil sa yumaman siya. Suwerte rin na hindi tayo dinadapuan ng mga mabibigat na karamdaman at kumpleto ang ating pamilya. Matagal ko na itong sinasabi sa mga maraming umaasam na biglang yaman kaya tumataya sa lotto at iba pang sugal na nangangarap na maging instant milyunaryo.

Huwag nating ipaubaya ang ating buhay sa sinasabing suwerte dahil baka lalo tayong malasin at maghirap pa. Tulad sa lotto na napakahirap manalo kung pagbabasehan ang kasalukuyang sistema. Nababalitaan na lang natin na umano’y may nanalo pero hindi naman ito mapapatunayan. Hindi naman inilalabas sa publiko ang tunay na mapagkakakilanlan nito.

Suma total, papaano natin paniniwalaan na talagang may totoong nananalo sa lotto samantalang hindi naman natin nakikita ang nanalo rito.  Sa Amerika at iba pang bansa, ibinubunyag nila kung sino talaga ang nanalo.

* * *

Sa pagpasok ng 2013,. asahan na lalong aarangkada ang init sa pulitika. Ilang buwan na lang at eleksiyon na. Huwag tayong umasa sa suwerte bagkus, iugit natin ang magandang kapalaran ng bansa sa pamamagitan ng pagpili sa mga karapat-dapat na kandidato mula local hanggang sa nasyunal particular sa Senado.

Maraming kandidato ngayon ang masuwerte lang dahil nagkataon na sila ay napamanahan ng kanilang magulang ng prominenteng apelyido pero wala namang kuwenta ang performance ng mga ito sa serbisyo publiko.

Suriing mabuti kung sino ang dapat nating iboto. Sana, ito na ang pasimula ng matalinong pagpili ng mga opisyal dahil kung papalpak tayo ay tayong lahat din ang tatamaan sa pangit na serbisyo ng gobyerno.

Huwag masilaw sa mga apelyidong prominente sa pulitika. Bigyan natin ng pagkakataon ang iba pang kandidato na maaaring mas may kakayahan para maglingkod ng tapat sa taumbayan.

Show comments