P8.87 bilyong ‘floating shabu’ pinawawasak ni Pangulong Marcos Jr.

MANILA, Philippines — Pinawawasak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang P8.87 bilyong halaga ng floating shabu na nasabat mga mangingisda sa mga baybayin ng lalawigan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Cagayan nang personal na ininspeksyon ang mga sako ng droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Gymnasium, National Headquarters sa Quezon City.
Tiniyak naman ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez na sisirain ang mga sako ng shabu sa loob ng 24 oras sa Capas, Tarlac.
Ayon kay Nerez ang 1,304.604 kilo ng nagkakahalaga ng P8,871,307,200.00 ay sisirain sa pamamagitan ng thermal decomposition.
Bukod dito ay susunugin na rin ang 226.043 kilo ng shabu na may halagang P699 milyon na nakumpiska sa bisa ng court orders.
Inatasan din ng Pangulong Marcos ang PNP at PDEA na paigtingin ang kanilang surveillance at monitoring upang maiwasan ang smuggling sa mga baybayin.
- Latest